Dahil sa uri ng trabaho, maraming manggagawa ang gumugugol ng maraming oras sa pag-upo. Ngunit babala ng isang eksperto, maaari itong magdulot ng karamdaman tulad ng mga sakit sa puso o buto, diabetes at posibleng cancer. Alamin ang ilang tips para maiwasan ito.
Sa ulat ni Tina Panganiban-Perez sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing isa si Benjamin Manabay na umuupo nang matagal dahil sa trabaho niya bilang mananahi.
Mananahi na si Manabay mula pa noong 1968, kung saan lagi siyang nasa harap ng makina.
"Pagka nananahi, minsan abutin ka ng 14 hours. Tuloy 'yon. Oo, tuloy-tuloy. Lalo na pag nagra-rush ka," sabi ni Benjamin.
Kaya naman hindi maiiwasang manakit ng katawan ni Benjamin dahil sa tagal ng pagkakaupo.
"Sa balakang. Tayo ka nang konti. Upo na naman. Kagaya nito, sumasakit ngayon kasi kanina pa ako nakaupo eh," ayon kay Benjamin.
Sinabi ni Dr. Joana Macrohon, isang physical and rehabilitation medicine specialist, na hindi lang pananakit ng mga kasu-kasuan ang puwedeng makuha sa pag-upo nang matagal.
"It can range from heart disease, yung pinaka-common. Diabetes, pwede din po. You can have even mga maski skeletal problems like backpains or problems with, say, the blood vessels, 'yung nagmamanas 'yung mga paa... Kung sedentary ka, hindi ka nag-e-exercise then your immunity would tend to be low. 'Pag mababa 'yung immunity mo, you can get things like cancer,” sabi ni Dr. Macrohon, physiatrist.
Ayon pa kay Dr. Macrohon, dumarami pa ang mga nagkakasakit dahil sa sedentary lifestyle.
"It's very common even among the young ones. Nakikita mo na siya eh. Kasi most of our ano na ngayon, most of us are computer... na so parang wala kang option but to stick and do your job,' sabi pa ng physiatrist.
Nagpayo si Dr. Macrohon sa mga laging nakaupo nang matagal."Tatayo tayo from time to time. Walk around your desk and then upo ulit," sabi ni Dr. Macrohon.
Ilan sa mga exercise na maaaring gawin ay ang pagbibisikleta, paglangoy, at zumba.Mainam din ang strengthening at flexibility exercises.
Maigi rin na mag-set ng alarm kada isa o dalawang oras para hindi makalimutan ang paggalaw-galaw.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News