Madalas pinandidirihan at iniiwasan ng mga tao ang mga ipis na itinuturing ng iba na peste sa mga tahanan. Pero alam ba ninyo na maaari silang puksain gamit lamang ang mga home-made insecticides na mura na, maaasahan pa.
"Kaya nagkakaroon ng ipis sa isang bahay, naghahanap 'yan ng food source, water source saka possible na ginagawa nilang habitat. Pagka 'yung ipis po hindi natin nakontrol ang pagdami nila, may tendecy na magkaroon tayo ng iba't ibang sakit," sabi ni Clark Henry De Paz, Operating Manager, Pest Control sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkoles.
Narito ang iba't ibang home-made insecticide:
1) sibuyas, bawang at cayenne pepper - Paghalu-haluin sa tubig ang ginayat na sibuyas at bawang, saka ilagay ang cayenne pepper. Ipuwesto sa mga madalas gapangan ng ipis.
Mainit raw ang epekto nito sa ipis.
2) Asukal at baking soda - Paghaluin ang mga ito, saka ilagay sa mga cabinet para 'di pamugaran ng ipis.
Lason naman ang epekto nito sa ipis.
3) Dahon ng Laurel - Durug-durugin o pira-pirasuhin, saka ipuwesto sa lagayan ng mga condiments o pagkain para hindi ipisin.
Nai-irritate umano ang mga ipis sa dahon kaya iniiwasan nila.
4) Dishwashing liquid o fabric softener - Ihalo sa tubig ang mga ito, saka i-spray sa mga madalas tambayan ng mga ipis o kaya ay direktang i-spray sa ipis.
5) Balat ng saging - Pahiran ng cooking oil ang isang garapon at ilagay sa loob ang balat ng saging. Ang saging ang magsisilbing attractant samantalang trap naman ang garapon. -- FRJ, GMA News