Bukod sa kadiri at nakakairita ang mga langaw, may dala rin silang peligro sa kalusugan ng tao dahil sa taglay nilang germs. Alamin ang ilang tips mula sa "Good News" kung papaano sila mapupuksa.

Ayon sa eksperto, nabubuhay ang mga langaw sa pagsipsip ng likido sa mga pagkain at basura. At kapag dumapo sila sa mga pagkain, maaaring mailipat nila ang dalang mikrobyo at germs na magdudulot ng sakit.

Lingid sa kaalaman ng marami, may mga paraan kung papaano sila mapupuksa o mapapaalis sa pamamagitan ng mga gamit na matatagpuan lang sa kusina.

1. Apple cider vinegar trap - Maghanda ng apple cider vinegar, dishwashing liquid, barbecue stick, plastic wrap at rubber band.

Paghaluin ang apple cider vinegar o ('di kaya suka) at isang kutsara ng dishwashing liquid sa isang mangkok na magsisilbing pang-akit sa langaw dahil gusto nila ang fermented na amoy.

Takpan ng plastic wrap ang mangkok at butasan ng stick na sapat lang para makapasok ang mga langaw. Dito na sila mata-trap.

2. Spray bottle - Maghanda ng mint essential oil, dishwashing liquid, tubig at spray bottle.

Paghaluin ang liquid soap at tubig sa mangkok, saka patakan ng mint essential oil ng 12 beses. Ilagay sa spray bottle at gamitin.

3. Gatas na trap - Maghanda ng asukal, gatas at paminta.

Sa isang kawali, ilagay ng gatas, isunod ang isang kutsara ng asukal saka ilagay ang dalawang kutsara ng paminta na papatay sa mata-trap na langaw. Ito'y dahil ang paminta ay nagdudulot ng membrane damage at metabollic disruption sa mga langaw. Ilagay ang mixture sa lugar na maraming langaw.

Panoorin ang mga epektibong techniques sa video.

--Jamil Santos/FRJ, GMA News