Dahil sa pagtaas ng mga presyo ng bilihin nang dahil sa inflation, doble ang diskarte ng college student na si Riel Gamboa para siya'y makatipid.
Bukod sa hindi na siya nag-e-extra rice, naglalakad na lang siya papasok sa eskuwela sa halip na magtricycle, at hindi na rin siya sumasama sa lakad ng barkada.
Sa ulat ni Saleema Refran sa GMA News "Balitanghali" nitong Biyernes, sinabing nasa first year college ngayon si Riel.
Anak siya ng isang minimum wage earner, kaya sagad na ang kayang ipabaon sa kaniya ng mga magulang.
Nagmahal na ang student meal ng paboritong karinderia ni Riel na dating P20 pero ngayo'y P25 na.
"Dati nakaka-isa o dalawang extra rice pa po ako, ngayon hindi na po. Sayang rin po 'yung P12 na extra rice," pahayag ng estudyante.
Libreng tubig na lang din ang panulak ni Riel.
Hindi na rin sapat ang student discount sa pamasahe, dahil nagtaas din ito sa ruta niyang mula Antipolo papuntang Sta. Mesa
Kung dati'y nakakapag-tricycle pa siya mula sa babaan para makarating ng eskwelahan, ngayo'y naglalakad na lang. "Nilalakad ko na lang po. Sayang po 'yung P8 na pamasahe," sabi pa ni Riel.
Hindi na rin nakakasama sa mga gala ng barkada si Riel dahil sa kaniyang pagtitipid. "Sana po masolusyon po ng gobyerno 'yung problemang nangyayari ngayon. Halimbawa po pagtaas ng pamasahe, presyo," ayon kay Riel.
Isa lamang si Riel at iba pang hindi na mapagkasya ang budget na nakakaranas ng "diminished purchasing power" dulot ng mataas na inflation.
"Diminished purchasing power is 'yung pagkakabawas o paghina ng halaga ng mabibili mo sa iyong pera. Dati isang dakot ang mabibili mo, ngayon pira-piraso na lang ang maiuuwi mo dahil sa inflation," ayon kay Prof. Emmanuel Leyco, isang economist.
Mga nasa ilalim ng poverty line at sa mga rehiyong mababa ang minimum wage pero mataas ang inflation ang mga pinakaapektado ng diminished purchasing power, ayon kay Leyco.
Halimbawa na lamang sa Bicol region na nasa 9% ang inflation rate habang nasa 8.10% ang sa ARMM.
"Sa ARMM, more than 50% ng kanilang population ay mga mahihirap. Ngayon, sila pa ang pinakamataas ang inflation so talagang masidhi ang paghihirap at gutom na nararanasan ngayon ng ating mga kapatid sa ARMM," pahayag ni Leyco.
Nitong Agosto, ang pagkain at non-alcoholic na inumin at transportasyon ang may pinakamataas na inflation rate—na sumunod sa alcoholic na inumin at tobacco.
Makikita ang bilis ng inflation sa presyo ng gulay, mais, isda, at karne kaysa inflation sa presyo ng bigas.
Damang-dama ng mga pinakamahihirap na pamilya ang mabilis na pagtaas ng presyo ng bilihin lalo sa pagkain.
Ipinakita sa family income and expenditure survey ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong 2015 na 59.7% o mahigit kalahati ng gastusin ng mga pamilyang nasa bottom 30% income group ay napupunta sa pagkain.
Nangangamba si Leyco na maaaring lumala pa ito kung hindi aaksyon agad ang gobyerno, ngunit hindi pa naman huli ang lahat.
"Kaya nga sinasabi nila, 'Ano ba tayo Paskong tuyo?' Palagay ko mas grabe pa du'n kasi walang tuyo ngayon eh, walang galunggong. So ano ang pagsasalu-saluhan ng mga mamamayan pagdating ng Pasko?" —Jamil Santos/LBG, GMA News