Dahil papalapit na ang kapaskuhan, inaasahan na dadami pa ang mga magkakalat ng pekeng pera. Alamin ang ilang palatandaan sa tunay na pera para hindi maloko. Alamin din ang ilang pagbabagong ginawa sa new generation banknotes.
Sa "QRTips," sinabing ang tunay na perang papel ay dapat magaspang at "embossed" o nakaumbok ang mga nakalimbag.
Dapat nasasalat ang mga salitang "Republika ng Pilipinas" sa itaas na bahagi, at ang halaga nito sa ibabang bahagi.
Suriin din kung may serial number ang pera sa upper right at lower left.
Ang tunay na perang papel, may isa o dalawang prefix letter na sinundan ng anim hanggang pitong numero at papalaki dapat ang sukat.
May makikita ring maliliit na hiblang asul at pula kapag tinapatan ng ultraviolet light. Kapag itinapat ito sa ilaw, maaaninag sa blangkong bahagi ang tila anino ng mukha na nasa pera at ang salitang "Filipino" na isinulat sa baybayin.
Makikita naman ang nakatagong denominational value o halaga ng pera kapag inikot ito nang 45 degrees at hinilig paibaba.
Makikita sa likod at harap ng pera ang security thread na dapat nagbabago ang kulay sa pula at berde.
Sa P500 at P1,000, may device patch na tulad ng security thread ay nagbabago ng kulay kapag iniba ng anggulo ang pagtingin.
Makikita sa design patch ang maliit na bersyon ng logo ng Bangko Sentral ng Pilipinas at hayop na nasa likod ng pera gaya ng blue-naped parrot sa P500 at south sea pearl sa P1,000.
Nitong Disyembre naman, naglabas ang BSP ng ilang pagbabago sa new generation banknotes.
Sa P200, ipinalit sa bahay ni Aguinaldo at Barasoain Church ang mga larawan ng deklarasyon ng Philippine Independence at pagbubukas ng Malolos Congress.
Dinagdagan naman ng petsa ang Leyte landing sa P50. Sa P1,000, tinanggal ang larawan ng Order of Lakandula Medal at mga katagang "Medal of Honor".
Inayos na rin ang scientific names, mas pinalaki ang sukat ng year mark, at pirma ni BSP Governor Nestor Espenilla jr. ang makikita sa mga bagong salaping papel. -- FRJ,GMA News