Sa mahal ng bigas ngayon, dapat maging wais upang hindi kaagad mapanis ang sinaing nang lubos na mapakinabangan ang kanin. Alamin ang mga paraan kung paano maiiwasan na mapanisan ng kanin.
Sa GMA News "Unang Hirit" nitong Martes, nagbigay si Feny Cosico, secretary general ng Agham, ng ilang tips pagdating sa pagsasaing at tamang paggamit ng kaldero na gamit sa pagluluto.
1. Tubigan nang tama ang bigas ayon sa dami nito. Kapag luma ang bigas, puwedeng dagdagan ng kaunti ang tubig para hindi maging matigas ang sinaing. Siguruhin ding walang "contaminants" sa kanin tulad ng bukbok.
2. Dapat malinis ang kalderong gagamitin sa pagsasaing. Ang palaging pagkapanis ng kanin ay senyales umano na maaaring may problema na rin sa container na ginagamit. Kaya dapat pakuluan ang kaldero kung madalas na napapanisan para maalis ang mga bacteria.
3. Puwedeng lagyan ng isang kutsarang suka ang sinaing. Dahil isang preservative ang suka, maaaring maglagay ng isa o dalawang kutsarang suka sa isasailang. Siguruhin lang na hindi makakaapekto ang dami ng suka sa kabuuang lasa ng sinaing.
4. Makabubuti rin na panandaliang iangat ang takip ng pinagsaingan kapag naluto na sinaing. Sa ganitong paraan, makakasingaw ang sinaing at maiiwasan ang "moisture" na dahilan kaya napapanis din ang kanin. -- Jamil Santos/ FRJ, GMA News