Maliban sa pagmamahal sa bayan, may imahe rin si Jose Rizal na "lover boy" dahil sa dami ng babae na naiugnay sa kaniya. Pero ang babae na sinasabing unang nagpatibok sa puso ng ating Pambansang Bayani— si Segunda Katigbak. Pero bakit nga ba hindi tuluyang umusbong ang kanilang pag-iibigan? Alamin.
Sa special report ni Howie Severino sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing 14-anyos noon si Segunda nang makilala niya ang 16-anyos naman noon na si Rizal.
Sa isang isinulat ni Rizal, inilarawan niya si Segunda na," May mga matang kung minsan ay makislap at nangungusap, may ngiting nakagagayuma… Hindi siya ang pinakamagandang babeng nakita ko, ngunit hindi ako nakasilay kailanman nang higit na kaakit-akit."
Ayon sa historyador na si Sister Corazon Manalo, unang nagkita at nagkakilala ang dalawa sa bahay ng lola ni Rizal sa Trozo, Manila [Tutuban na ngayon].
Kaibigan umano ni Rizal ang kapatid ni Segunda na si Mariano.
"He has a friend by the name of Mariano Katigbak and they went to the house of the grandmother of Rizal. And it so happen that in that place in Trozo, Manila, that's where Tutuban is right now, he saw Segunda or Segunda saw him. Kasi it was Segunda who fell in love with him," kuwento ni Manalo.
Tubong Batangas si Segunda pero nag-aaral ito sa La Concordia College sa Paco, Maynila, kung saan nag-aaral din ang tatlong kapatid ni Rizal.
At dahil nagpupunta rin si Rizal sa naturang paaralan, nagkakausap sila doon ni Segunda, at dito umusbong ang kanilang pag-iibigan.
"Si Segunda yata nanligaw kay Rizal. Tinanong niya si Rizal, 'What is your favorite flower?' Sabi ni Rizal, 'I like white flowers and dark flowers.' And sabi ni Segunda, 'Yun din ang gusto ko.' So at one point when Rizal came to visit, may pinaabot kay Rizal. I think that was when Rizal started to fall in love with her. But he knew she was already promised to someone," kuwento pa ni Manalo.
Dahil uso pa noong panahong iyon na ipinagkakasundo ng mga magulang ang kanilang mga anak para sa pag-aasawa, nakatakda nang ikasal si Segunda kay Manuel Luz ng Lipa.
Dahil na rin sa sitwasyon ni Segunda, pinaniniwalang nagtalo noon ang damdamin at isipan ni Rizal kung itutuloy pa niyang ibigin ang isang dalagang ikakasal na.
Gayunman, patuloy siyang dumalaw sa La Concordia.
"Mutual understanding siguro, oo. Meron silang pagmamahalan sa isa't isa pero I think that was the first heartbreak of Rizal, He had no experience. Tinanong din siya ni Segunda at one point, 'Do you have a sweetheart?,'" ayon kay Manalo.
Sa isa pang isinulat ni Rizal, tila sinagot ang naturang katanungan, "Wala ho. Hindi ko inisip kailanman ang umibig sapagkat nalalaman kong hindi ako papansinin, lalo na ng magaganda."
Nang umuwi si Rizal sa Calamba, sinalubong niya sa Biñan ang karuwahe na sinasakyan ni Segunda at mga kapatid nito na papauwi naman sa Batangas.
Saad ni Rizal sa isa pa niyang isinulat, "Ngumiti siya sa akin at iniwasiwas pa ang kanyang panyolito. Wala akong ginawa kundi magpugay. Ang aking dila, na karaniwang masalita, ay napipipi kapag ang aking puso ay natitigib ng mga damdamin."
Pero nang ayain daw si Rizal na sumunod sa karuwahe patungong Lipa, napaisip si Rizal at kaniyang isinulat, "Sa maseselang sandali ng aking buhay, lagi nang labag sa aking kalooban ang naipapasya ko, dahilan sa iba't ibang layunin at mga makapangyarihang alinlangan. Tinahak ko ang ibang daan. Sa ganito natapos ang lahat."
Natuloy ang pagpapakasal ni Segunda kay Manuel, habang si Rizal ay mag-aaral na sa Europa, na sa paglipas ng panahon ay magiging Pambansang Bayani ng bansa.-- FRJ, GMA News