Bago naging bahagi ng Pambansang Awit na "Lupang Hinirang," unang isinulat ni Jose Palma ang liriko nito bilang isang tula. Ayon ba ninyo na ginawa niya ito habang nasa loob ng isang nakatigil na sasakyan sa isang bayan sa Pangasinan.
Sa ulat ni Joanne Ponsoy sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Miyerkoles, sinabing nasa bayan ng Bautista sa Pangasinan si Palma nang isulat niya ang tula na may pamagat na "Filipinas," na ang laman ay siyang naging liriko ng "Lupang Hinirang."
Nakasulat sa wikang Espanyol ang naturang tula na inilathalata sa pahayagang La Independencia noong September 3, 1899.
Ayon sa lokal na pamahalan, sa kilalang casa hacienda sa barangay Poblacion West nanatili si Palma at iba pang kasamahan sa pahayagang La Solidaridad.
Ginawa at isinulat umano ni Palma ang tulang "Filipinas" sa loob ng "tren" na nakaparada noon sa barangay.
"Nang lumikas ang grupo ng ating mga naghihimasik, sila ay nahimpil dito sa bayan ng Bautista sapagkat noong mga panahong 'yon, meron po tayong himpilan ng tren dito sa lugar," ayon kay Rochelle Florendo, municipal tourism officer.
Nitong nakaraang Disyembre, pasinayaan ang bantayog ni Palma sa Bautista bilang pagkilala sa kaniyang kontribusyon sa pagkamit ng kalayaan ng bansa.
"Hindi kayang ieksplaka [ipaliwanag] 'yung pakiramdam, kasiyahan namin. Dahil entire... the Philippines, meron kaming isang maipagmamalaki na dito nangyari, ang isang bagay na part ng ating history," sabi ni Mayor Amadeo Espino ng Bautista.
Nasira na ang harapang bahagi ng casa dahil sa kalumaan habang inayos naman ang natitirang bahagi nito sa orihinal na disenyo.
Ayon sa ulat, plano umano ng National Historical Commission of the Philippines na isama bilang historical landmark ang naturang bahay na tinuluyan nina Palma.-- FRJ, GMA News