Sa Biyernes, May 4, 2018, ipagdiriwang ang ika-400 taong anibersaryo ng pagdating ng poon ng Nuestra Señora del Carmen sa kapuluang Pilipinas kasama ng mga paring Rekoleto noong 1618. Tatawagin itong Salubong at Traslacion.

Ang Debosyon sa Bulaklak ng Carmelo

Ang Our Lady of Mt. Carmel ay ang patrona ng orden ng mga Carmelita, mga ermitanyong nakatira sa Bundok ng Carmel sa Hilagang Israel. Lumipat sila sa England noong ika-13 siglo at minsang pinamunuan ng isang Ingles na nagngangalang Simon Stock. Pinaniniwalaan ng marami na nagpakita sa kanya ang Birheng Maria at ipinaubaya sa kanya ang Brown Scapular na tinatawag sa Tagalog na kalmen at sinabing, “Ang sinumang mamatay na suot ang abitong ito ay maliligtas sa walang hanggang apoy. Ito ay tanda ng kaligtasan, isang pananggalang sa sandali ng panganib at isang patotoo ng tanging biyaya at pag-iingat.”

 


Popular ang debosyon na ito sa buong mundo.

Ang nasabing poon na dala ng mga rekoleto, sa ganda nito ay tinawag ng mga deboto bilang “guapa.” Maraming mga kahilingan ang pinaniniwalaang kanyang pinagbigyan.

Sa Biyernes, muling isasagawa ang pagdadala ng poon sa pamamagitan ng isang prusisyong pandagat sa Manila Bay; isang misa sa Quirino Grandstand, sa Parke Rizal kung saan dati nakatayo ang una niyang tahanan sa Maynila, ang Simbahan ng San Juan Bautista de Bagumbayan. Susundan ito ng isang prusisyon na dadaan sa Simbahan ng Quiapo kung saan ang dudungaw naman sa kanyang ina ay ang Hesus Nazareno. Matapos nito ay ibabalik ang Virgen del Carmen sa kanyang tahanan bilang Reyna ng Quiapo—ang bakal na Simbahan ng San Sebastian.

Ang Simbahan ng San Sebastian

Bagama’t ang pagdating ng poon ay 1618, ang petsang napili para sa pagdiriwang ng ika-400 taong anibersaryo ay sa katunayan bisperas ng paglilipat sa Virgen del Carmen mula sa Luneta tungo sa isang bagong simbahan ilang taon ang lilipas, May 5, 1621. Ang Simbahan ng San Sebastian ay nasa lugar na tinatawag noon na Calumpang na ngayon ay bahagi ng Quiapo.

Ang Birhen ay sinalubong ng mga taga-Sampaloc, San Miguel at Quiapo sa tunog ng mga kampana.  Ipinangalan ang simbahan kay San Sebastian, sinaunang martir na Kristiyano na itinali sa puno at pinana, subalit natagpuang buhay pa at nagpagaling upang mahuling muli at tuluyang mabitay.

 


Ngunit ang tahanan ng “la guapa” ay hindi nakaligtas sa pagnanakaw noong pag-aalsang Tsino ng 1639, lindol ng 1645, pandarambong ng mga Briton nang sakupin nila ang Maynila noong 1762, at ang malakas na lindol sa Maynila noong 1863.

Matapos nito, isa muling matayog na simbahan ang itinayo na natapos noong 1867. Ngunit noong 1880, lumindol na naman at kinailangang isarang muli ang simbahan.

Sa aklat na The Spires of San Sebastian, sinulat ni Emmanuel Luis Romanillos, “Church bells … eerily tolled by themselves. Paco Church almost completely sank to the ground. A tower of San Agustin Church in Intramuros cracked. Statues in San Francisco Church near Puerta del Parian fell to the ground and shattered to pieces… Strangely, the image of Virgen del Carmen in San Sebastian Church was left intact.”

Ang Pagtatayo ng Isang Bakal na Kayamanan

Matapos ang lindol, inirekomenda ni Don Genaro Palacios, Director of Public Works ng Maynila,  sa mga Paring Rekoleto na upang hindi na magiba ang simbahan ng susunod na lindol ay itayo na ito nang gawa sa bakal. Hindi po ito nagagawa sa Asya.

Pumayag ang mga pari. Si Palacios ang kinuha mismo na magdisenyo ng simbahan. Natapos ang mga plano noong 1883: Isang neo-gothic na istilong simbahan na tila ginagaya ang mga simbahan sa Europa, ala Hunchback of Notre Dame style.

Idinetalye ng aklat na The Basilica of San Sebastian ni Jose Maria Martinez ang iba’t ibang naging bahagi ng pagtatayo ng simbahan: Ang Société Anonyme d’Entreprises de Travaux Publics ang nagsuplay ng pre-fab na bakal na dinala naman sa Pilipinas mula Belgium sa walong shipments noong 1888 at binuo dito na parang lego.

Ang simbahan ay isang international project, Alemang kumpanya, ang Henri Oidtmann Company, ang gumawa ng mga stained glass windows ng mga misteryo ng tuwa at hapis sa halagang P 3,931.69, mga Tsino ang gumawa ng mga sahig, mga Pranses ang gumawa ng pundasyon at mga Pilipino ang gumawa ng mga obra maestrang trompe l’oeil—mga 3D na imahen ng mga santo, anghel, ebanghelista at iba pang disenyo na mala-marmol at jasper na ipininta sa bakal. Pinangunahan ang mga pintor nina Lorenzo Rocha at sinamahan ng kanyang mga estudyante, kabilang sina Isabelo Tampinco at Felix Martinez.

Ang mataas din na kisame at ang mga bakal ng simbahan ay nakaganda sa acoustics nito. Ang halaga ng buong proyekto noon ay tumataginting na P 246,376.30. Malaking halaga sa panahong iyon.

Subalit ito ang masakit na katotohanan: Ang kuwento na ang gumawa ng Eiffel Tower sa Paris na si Gustave Eiffel ang nagdisenyo ng simbahan na ito ay, sa kasamaang palad, walang katotohanan at anumang kaugnayan niya sa proyekto ay wala pang katibayan.

Bago pa man matapos at buksan ang bakal na simbahan noong 1891, iniangat na ito ni Pope Leo XIII bilang isang Basilica noong 1890. Ito ang pinakaunang basilica menor sa buong bansa at hindi ito masusundan sa loob ng higit kalahating siglo.

Nakaligtas ang Simbahan sa mga pagbomba noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig at sa Labanan para sa Liberasyon ng Maynila, February 1945. Ngunit nagtamo ng ilang pinsala ang simbahan, lalo na sa ilang bahagi ng mga stained glass.

Noong 1949, muling inayos ng Alemang si Matthias Kraut na may atelyer sa Bilibid Viejo, Quiapo ang eksena ng Presentasyon ni Hesus at mapapansin na tila ginawang Santa Claus ang kupya ni Simon na nakabihis bilang punong saserdote ng templo.

Idineklara ni Pangulong Ferdinand Marcos ang Basilica na National Historical Landmark noong 1973. Ito rin ay nakalista bilang National Cultural Treasure ngunit tinukoy ng National Commission for Culture and the Arts bilang isang Endangered Site. Bakit?

 


Pagliligtas sa Kayamanang Kinakalawang

Minsang binisita ni Tina Paterno ang simbahan, na kung tutuusin ay maaaring ihalintulad sa isang bakal na bapor, na kailangang kumpunihin na dahil sa pangangalawang, “I was freaked out because it looked pretty bad...but at the same time I was awed by its beauty,” nasabi niya sa isang panayam sa GMA News Online, “There have been a couple of superficial repairs. They were certainly well-intentioned...there have just been decisions that were quite crucial which has led us where we are today.”

Noong 2010, itinatag ni Tina at ng mga paring Rekoleto ang San Sebastian Basilica Conservation and Development Foundation, Inc. upang pag-aralan ang mga sira ng simbahan upang makumpuni ito. Sa tulong ng Department of State ng pamahalaan ng Estados Unidos sa pamamagitan ng Bureau of Educational and Cultural Affairs, at ng iba pang mga katuwang na arkitekto, inhinyero at iba pang mga mangaggawang kultural, nalaman ang mga sira ng simbahan: 300 tagas ng tubig; tatlong metrong taas ng tubig sa mga bakal na poste; mga nawawala at basag na mga bahagi ng stained glass; malalang kalawang na maaaring maging sanhi ng pagbagsak ng mga bakal nito at nagiging sanhi ng pagkabakbak at pagkabura ng mga trompe l’oeil na paintings.

Ayon sa isa sa mga pari sa San Sebastian na si Padre Rene Paglinawan sa isang panayam sa Spot.ph, “Oo, corrosive. But we avoided three destructive forces of the previous churches, earthquake, anay, apoy. And for a long, long time, this held against corrosion. Of course, we don’t have a perfect thing.”

Ang foundation ay may isinasagawang regular na mga tour ng simbahan na nagtataglay ng mga factoids ukol sa simbahan, update sa restorasyon, pagbisita sa mga hindi pampublikong bahagi ng simbahan tulad ng taas ng mga bubong at ng mismong kampanaryo ng simbahan. Maaring bisitahin ang https://www.facebook.com/savessbasilica/ para sa mga iskedyul at para magpatala.
Unti-unti nang nakukumpuni ang mga nangangalawang na bahagi ng simbahan subalit marami pang dapat na gawin. Ang kanilang kampanya: #SaveSSBasilica.

Ayon nga kay Tina, “It took ten years to construct, and it will take ten more to conserve.”

Patuloy na gumagawa ng tradisyon at kasaysayan

Anuman, ang kuwento ng San Sebastian ay nagpapatuloy. Noong 2014, sinimulan ang isang tradisyon sa tuwing January 9, ang Traslacion ng Poong Nazareno: Ang pagtatagpo ng ina, ang  Virgen del Carmen o “la guapa,” at ang anak, Nuestro Padre Jesus Nazareno, sa Plaza del Carmen, ang “Dungaw” na bagong pagsasadula ng tradisyunal na salubong.

Ang Virgen del Carmen, tulad ng basilica, ay nagkaroon din ng masalimuot na kasaysayan. Ang orihinal na ulo nito at mga kamay na gawa sa garing ay ninakaw noong 1975 at hanggang sa ngayon ay hindi pa naibabalik. Sa kabila nito, nagpatuloy ang debosyon ng mga tao sa Virgen.

Noong August 18, 1991, sa basbas ni St. Pope John Paul II, kanonikal na kinoronahan ang “la guapa” ng Arsobispo ng Maynila, Jaime Cardinal Sin. Isang awitin ang kinatha ni Padre Eduardo Hontiveros, SJ, sikat na kumatha ng mga awitin para sa mga misa, para sa Virgen del Carmen:

Bulaklak ng Carmelo,
Yumayabong sa hardin.
Karingalan ng langit, liwanag sa dilim.
Ina at dalaga, Inang kay tamis.
Likhang katangi-tangi,
dalagang walang dungis.
Sa abang anak ng Carmelo
ipagkaloob ang biyaya.
Sa dagat ng aming buhay
ikaw ang gabay-tala!

At sa May 4, sa kasabay ng pag-awit nito ng madla, muling tutunog para sa Reyna ng Quiapo ang mga kampana ng San Sebastian, isang kayamanan sa gitna ng Quiapo.

Sa malaon, ang pag- aalaga dito ay hindi lamang sa pagtanggal ng mga kalawang, kundi sa pagbibigay pansin natin dito at pagbisita kasama ng ating mga mahal sa buhay at mga anak. Hindi dapat ito maging pag- aari lamang ng Simbahang Katolika, kailangang ariin ito ng mamamayan ng Quiapo, at ng buong bansa. Isang maipagmamalaking matayog na monumento na pinagtulungang gawin ng iba’t ibang mamamayan upang maging pamana para sa ating mga Pilipino. (Photos courtesy of Tina Paterno/San Sebastian Basilica Conservation & Development Foundation, Inc.).
 


Si Prop. Michael Charleston “Xiao” Briones Chua ay kasalukuyang assistant professorial lecturer ng Pamantasang De La Salle Maynila.  Isa siyang historyador at naging consultant ng GMA News TV series na Katipunan at Ilustrado.  Ang sanaysay na ito ay batay sa isang bagong maikling dokumentaryo “Xiao Time: Basilika Menor ng San Sebastian” na ilalabas ng Project Saysay at Vinta Productions sa YouTube.

-- FRJ, GMA News