Sa Abril 16, gugunitain ang ika-119 taong kamatayan ni Emilio Jacinto, ang tinaguriang “Utak ng Katipunan.” Alamin ang mga bagong impormasyon na natuklasan tungkol sa kaniyang katauhan.

 


Utak ng Himagsikan: Mabini o Jacinto?

Nakalilito minsan ang mga bansag sa ating mga bayani. Si Emilio Jacinto ang “Utak ng Katipunan” at si Apolinario Mabini ang “Utak ng Himagsikan.” Ngunit ang nagsimula ng himagsikan ay ang Katipunan, at hindi naman naging bahagi nito si Mabini. Kaya bakit hindi si Jacinto ang naging “Utak ng Himagsikan.”

Sa mga dekada matapos ang himagsikan, hinangaan maging ng mga Amerikano si
Mabini. Naikabit sa kaniya ang bansag na “Brains of the Revolution.”

Ngunit mismong si Gregoria de Jesus, ang Lakambini ng Katipunan ang nagsabi na, “Si Mabini ay hindi dapat tawaging utak ng himagsikan sapagkat wala naman siyang nagawa at naipaglingkod sa himagsikan. At siya'y nasali noong kung baga sa isang handaan ay dumating siyang luto na ang ulam, nakahanda ang dulang at siya'y kasama ng mga huling nagsidulog upang tumikim at makisalo sa masasarap na luto.”

Maiintindihan ang sentimiyento ng lola. Tunay ngang hiningan ng payo ng Katipunan si Mabini, kasapi ng La Liga Filipina at bahagi ng Cuerpo de Compromisarios na nangolekta ng pera para sa La Solidaridad. Ngunit noong nakalalakad pa siya ay nauna na siyang tumutol sa nais ng Katipunan na madugong himagsikan. Ang bigat ng kaniyang papel sa ating kasaysayan bilang bayani ay sa ikalawang bahagi na ng himagsikan, ang “himagsikan” o rebolusyon na nina Emilio
Aguinaldo.

Ngunit nariyan na ‘yan. Si Mabini ang “Brains of Revolution,” si Jacinto ang “Brains of the Katipunan.” Ngunit mahirap ipako na lamang ang dalawang bayani sa mga simplistikong mga pamagat na ito. Hindi ibig sabihin na Brains of the Katipunan lamang si Jacinto, ang Katipunan na isang samahan lamang ng mga naghimasik, ay maliit lamang ang kaniyang papel sa kasaysayan.

Bosom friend ni Andres Bonifacio

Isinilang si Emilio Jacinto noong 15 December 1875 sa Trozo, Maynila. Ayon kay E. Arsenio Manuel, sa kaniyang papel na, “New Data on Andres Bonifacio: Manila’s Foremost Hero,” na isinulat niyo noong 1989, magkasama sa cigarrera ang ina ni Bonifacio na si Catalina de Castro at ang ina ni Jacinto na si Marina Dizon. Si Marina ay isa ring kumadrona na siya mismong tumulong sa pagsilang ng nakababatang kapatid ni Bonifacio na si Espiridiona o “Nonay.”

Ayon kay Manuel, maaaring sobrang magtrabaho si Catalina kaya hindi makapaglabas ng gatas para sa anak. Si Marina ang siyang nagpasuso kay Nonay hanggang sa hustong edad na makakain na ito ng lugaw. Ganito kalapit ang mga Bonifacio at Jacinto, at ito marahil ang dahilan ng malapit din na pagsasamahan at pagtutulungan ni Andres at ni Emilio.

Utak na gumabay sa Himagsikan

Natutunan ni Jacinto sa murang edad ang mangastila, ngunit hindi naging hadlang ito upang hasain ang kaniyang husay sa wikang Tagalog. Sa hirap ng buhay, ibinibili lamang siya ng mga segunda manong damit na hindi natubos sa prendahan, kaya naging tampulan ng tukso si Jacinto. Sa kabila nito, nakakuha siya ng magandang edukasyon, sa pribadong paaralan siya nagtapos ng elementarya at nagtapos ng Batsiller en Artes sa Colegio de San Juan de Letran.

Nag-aabogasya siya sa Unibersidad ng Santo Toman noong 1894, na 19-anyos pa
lamang siya, at sumapi sa Katipunan gamit ang alyas na “Pingkian,” na ang kahulugan ay “talaban” o halimbawa sa mga bolo o espadahan.

Dahil sa kaniyang relasyon kay Bonifacio, naging pinakamalapit na tagapayo si Jacinto ng Pangulo ng Katipunan at naupo sa mga posisyong kalihim at piskal.

Minsan, gumawa silang dalawa ni Bonifacio ng magiging moral code ng Katipunan. Ngunit nakita ni Bonifacio na mas maganda ang kay Jacinto kaya nagparaya siya. Ang sa nakababatang Jacinto ang ipinalaganap sa mga bagong kasapi at nakilala ang dokumentong ito bilang Kartilya ng Katipunan.

Ngunit dahil sa pagiging konsistent ng mga ideya ng mga sulating tinawag ni Virgilio S. Almario na mga “Akdang Katipunan”— lalo ang mga sulatin nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto, makikita sa Kartilya mismo ni Jacinto ang pinag-isang diwa ng dalawa. Gayundin, naging epektibo sila sa paghikayat ng mga bagong kasapi sapagkat ginamit nila ang mga konsepto at wikang ginagamit ng madla. Kaiba ito sa matagal nang ipinakakalat na ginaya lamang nina Bonifacio ang kanilang ideya ng pagkabansa sa mga Kanluraning ilustrado.

Ayon sa historyador na si Zeus A. Salazar, ibang-iba ang konseptong natutunan ng mga ilustrado sa Kanluran sa ideya nina Jacinto na nagmula sa bayan. Sa Kanluraning konsepto ng pagkabansa na tinatawag na “Nación,” ang pagkabansa ay batay sa mga pulitikal na mga karapatan at kalayaan ng mga mamamayan.

Ngunit sa mga Akdang Katipunan, ang kanilang konsepto ng pagkabansa ay ang pagkakaroon ng “Inang Bayan,” samakatuwid, ang bansa ay binuo ng mga anak ng Bayan na may iisang ina, at ginawa tayong magkakapatid sa pagsasandugo.

Hindi lamang pulitikal ang kalayaan para sa Katipunan. Walang tunay na kalayaan kung walang kaginhawaan, at sa sikolohiyang Pilipino, walang kaginhawaan kung walang mabuting kalooban. Kung pagnanakaw at panggugulang sa kapwa ang iiral, walang saysay ang kalayaan. Ang mabuting kalooban ng magkakapatid ay naipapakita sa isa sa pinakaunang utos sa Katipunan ayon sa Kartilya, “ang tunay na pag-ibig sa bayang tinubuan at lubos na pagdadamayan ng isa’t isa.”

Patnugot ng Kalayaan

Dalawampung-taong-gulang lamang si Emilio Jacinto nang patnugutan ang tanging labas ng pahayagan ng Katipunan, ang Kalayaan. Isa sa tatlong pangunahing pinuno ng Katipunan, at ang bumuo ng pahayagan, si Pio Valenzuela, ang  nagmungkahi na upang linlangin ang mga Espanyol, ilagay na si Marcelo H. del Pilar ang editor at kunwari sa Yokohama, Japan ito inimprenta.

Ngunit sa katunayan, sa Maynila ito inimprenta nina Candido Iban at Francisco del Castillo. Nabili nila ang imprenta sa panalo nila sa loterya bilang migranteng manggagawa sa Australia.

Sa pahayagang ito, nagsulat ng kuwento si Jacinto kung saan nagpakita ang isang mahiwagang babae sa isang batang lalaki at nagpakilala, “Ako ay ang Simula ng mga bagay na higit na dakila, higit na maganda at higit na kapuri-puri, marangal at iniingatan, na maaaring matamo ng sangkatauhan. Nang dahil sa akin ay nalaglag ang mga ulong may korona; nang dahil sa akin ay nawasak ang mga trono at napalitan at nadurog ang mga koronang ginto; …Nang dahil sa adhikain ko’y napagkakaisa ang mga tao at kinalilimutan ng bawat isa ang pansariling pakinabang at walang nakikita kundi ang higit na kabutihan ng lahat. Ang pangalan ko ay KALAYAAN.”

Sa isang edisyon lamang ng pahayagang ito, sinasabing dumami ang miyembro ng Katipunan mula 300 hanggang 3,000 na kasapi! Sa alyas na Dimas-Ilaw, sumulat pa sila ng iba pang mga sanaysay tulad ng “Liwanag at Dilim” at ang tulang “A La Patria.”

Batang Heneral, Kataas-taasang Pinunong Hukbo

Sa pagsiklab ng himagsikan noong August 1896, si Bonifacio at Jacinto ang namuno sa mga unang pakikipaglaban ng Katipunan sa mga Espanyol, kabilang na ang mga tagumpay sa Pasong Tamo at munisipyo ng Mandaluyong at ang Labanan sa Pinaglabanan sa umaga ng 30 August 1896 na ikinasawi ng maraming Katipon.

Ayon kay E. Arsenio Manuel, ang unang tinatanong ni Bonifacio kapag bumaba na ang usok ng labanan ay kung nasaan na si Jacinto. Si Jacinto rin daw ang pinaghahawak ng botikin o medicine box ng Katipunan. Matapos nito, nagpanggap na Tsino si Jacinto at sa Look Ng Maynila inakyat ang barko na lulan si Rizal, ang Castilla, upang siya ay itakas. Tumanggi ang national hero.

Sa pagtungo ni Bonifacio sa Cavite upang ayusin ang gulo sa pagitan ng Magdiwang at Magdalo, mga sangguniang bayan ng Katipunan sa Cavite noong November 1896, inaakala ng marami na nag-alsa balutan lamang si Bonifacio at tumungo doon dahil wala na siyang puwersa sa Maynila.

Kaiba ito sa sinasabi ng mga bagong tuklas na mga dokumento mula sa Archivo General Militar de Madrid kung saan iniwan ni Bonifacio ang isang Mataas na Sanggunian ng Hilagaan na nakabase sa Pantayanin, sa mga paanan ng Sierra Madre sa Antipolo, malapit sa Pasig.

Ayon sa mga kinumpiskang dokumentong ito, ang Mataas na Sanggunian ay tumakbo bilang isang pamahalaan na nagbibigay ng mga kautusan, nagpaplano ng mga labanan, humihingi ng buwis at butaw, at naglalabas ng mga katibayan sa pagbibinyag at pagkakasal. Tinawag nila ang sarili na Haring Bayang Katagalugan, ang pamahalaan na pinamamahalaan bilang Pangulo ni Andres Bonifacio!

At sa Mataas na Sangguniang ito, kung saan namuno bilang Mataas na Pangulo sina Isidoro Francisco at Julio Nakpil, si Heneral Emilio Jacinto ang tumayong Kataas-taasang Pinunong Hukbo sa edad lamang na 21 taong gulang.

Kamakailan, ang dokumento ng pagtatalaga ni Bonifacio kay Jacinto at ang tatlo sa mga huling sulat ni Bonifacio sa kaniya bilang kaibigan sa mga huling araw ng kaniyang buhay ay naibenta sa isang subasta sa halagang P16 milyon. Nagpapakita ito nang patuloy na ugnayan ng Mataas na Sanggunian sa kanilang pangulo.

Sa pagkamatay ni Bonifacio, nagpatuloy ang Mataas na Sanggunian ng Hilagaan at patuloy din na lumaban si Jacinto. At sa isang labanan noong Pebrero 1898 sa mga Espanyol sa Maimpis, Magdalena, Laguna, naging sugatan sa hita si Jacinto at nahuli. Dinala siya sa kumbento ng Magdalena at walang awang ibinagsak malapit sa hagdanan. Pinaniniwalaang ang mga bakas ng kaniyang dugo ay naroon pa
rin sa mga sahig nito.

Dinala siya sa karsel sa Sta. Cruz ngunit sa kaniyang interogasyon, naglabas siya ng papel na nakuha niya sa isang labanan at nagpakilalang siya talaga si Florentino Reyes, isang espiya para sa mga Espanyol. Imbes na bitayin, pinaniwalaan nila ang panlilinlang na ito at pinalaya si Jacinto mula sa pagkakapiit.

Tindero ng baka

Sa isang aklat na pinamagatang Stories Rarely Told, binanggit ng historyador na si Augusto de Viana ang testimonya ng isang pinsan ni Jacinto na si Exequiel Dizon. Nailathala ang testimonya na ito sa isang artikulo ni Arturo Ma. Misa sa Sunday Times noong 4 June 1972.

Ayon kay Dizon, matapos na makatakas ni Jacinto, na tinatawag niyang Miling, sa mga Espanyol, pinili nitong magkaroon ng mapayapang buhay. Bagama’t ilang beses ding pinag-isipan kung babalikan ang pag-aaral ng abogasya sa Unibersidad ng Sto. Tomas o tatanggapin ang alok ni Mabini na sumama sa pamahalaan ni Emilio Aguinaldo, na nagpapatay sa kaniyang pangulong si Andres Bonifacio, upang maging estudyante sa unibersidad sa Malolos, pinili ni Jacinto na manatili sa Laguna at naging tindero ng karne ng baka na mula sa Batangas.

Ayon pa kay Dizon, naging maganda ang takbo ng negosyo ni Jacinto at nakabili pa ito ng magandang bahay. Hindi naglaon, nagkaanak din daw ng lalaki si Jacinto sa kaniyang asawang nagngangalang Catalina (Iba-iba ang apelyido niya sa iba’t ibang tala—sa iba’y de Jesus at sa iba naman ay de la Cruz.

 


Misteryosong Kamatayan

Sa kasamaang palad, namatay si Jacinto sa sakit na malaria sa edad na 23 noong 16 April 1899. Ang kaniyang bangkay ay natagpuan na nakalibing sa bayan ng Sta. Cruz. Matapos nito, inilipat ang kaniyang bangkay sa North Cemetery.

Noong 1975, sentenaryo ng kapanganakan ni Jacinto, muling nailipat ang kaniyang mga labi sa Himlayang Pilipino sa Lungsod Quezon. Sa kaniyang libingan ay makikita ang isang monumento niya bilang isang heneral na nakasakay sa kabayo ay namumuno sa labanan na nililok ni Florante ‘Boy’ Beltran Caedo.

Noong nakaraang taon, April 2017, pinasinayaan ang isang monumento para kay Jacinto sa bayan ng Magdalena sa tulong ng Komisyon sa Wikang Filipino. Nililok ito ni Jun Rodrigo Vicaldo. Sa pagpapasinayang ito, binabanggit na sa Magdalena namatay si Jacinto, subalit bakit siya nakalibing sa Sta. Cruz? Nakahihilo at nakalilito.

Inimbestigahan ng dating National Historical Institute ang kaso. Ang kanilang ulat ay nasa 1999 Annual Report ng ahensya. Ayon sa mga datos at oral accounts na tinipon ng Research and Publications Division sa pangunguna ni Augusto de Viana: Matapos masugatan sa labanan sa Magdalena at nakatakas mula sa mga Espanyol, nagsimulang manghina siya at matapos ang ilang buwan habang nasa Sta. Cruz, siya ay ginupo ng sakit.

Nang dumating ang mga Amerikano sa bayan na iyon, kinailangang ilikas si Jacinto sa kabilang ilog upang hindi maaresto tungo sa barrio ng Alipit. Ngunit namatay na agad siya habang ibinibiyahe kaya ibinalik siya sa San Juan, Sta. Cruz at inilibing.

Maiintindihan ang kalituhan. Kung patungo sila sa Barrio ng Alipit, kapwa may Barrio Alipit sa bayan ng Magdalena at Sta. Cruz. Samakatuwid, ang barrio sana na pupuntahan ay nasa pagitan ng dalawang bayan na ito. Ngunit hindi rin nga sila umabot ng barrio Alipit, kaya nasa bayan pa rin siya ng Sta. Cruz nang malagutan ng hininga.

Sa kakulangan ng dokumentasyon sa pagkamatay ni Jacinto, maaaring hindi na natin malaman ang mga tiyak na detalye. Wala ngang naiwan na aktuwal na larawan si Jacinto noong siya ay nabubuhay at ang nakikita natin na sikat niyang imahe ay iginuhit ni Guillermo Tolentino mula sa kathang-isip ng isang dibuhista at iskultor mula sa kaniyang pananaliksik at mga panayam.

Ang tanging aktuwal na larawan ni Jacinto ay ang kaniyang “recuerdo de patay” o “memento mori”: Nakahiga si Jacinto sa paligid ng mga nagmamahal at nagmamasid niyang mga kababayan, nakasuot ng uniporme ng himagsikan, pinaghawak ng baril. Kaya dahil nakasuot ng rayadillo, inakala noong una na siya ay namatay sa pakikipaglaban.

Ito ang tanging larawan ng isang kabataang lalaki, bata mang turingan, ngunit isa sa nagtatag ng bansang ito sa kapangyarihan ng kaniyang mga ideya. Siya ang isa sa nagbuo sa sambayanang Pilipino. -- FRJ, GMA News

Si Prop. Michael Charleston “Xiao” Briones Chua ay kasalukuyang assistant professorial lecturer ng Pamantasang De La Salle Maynila.  Isa siyang historyador at naging consultant ng GMA News TV series na Katipunan at Ilustrado.  Ang sanaysay na ito ay batay sa kaniyang dating news segment na “Xiao Time:  Ako ay Pilipino” sa istasyong pantelebisyon ng pamahalaan.