Maraming heritage houses na maipagmamalaki ang Iloilo. Pero isa na siguro sa mga pinakasikat ang sinasabing misteryosong "vanishing mansion" sa munisipyo ng Guimbal na iilan pa lang umano ang nakakakita. Panoorin ang video na ito ng "Kapuso Mo, Jessica Soho."
Sa lugar kung saan sinasabing nagpapakita ang misteryosong mansyon tuwing hatinggabi, isang malaking puno ng acacia na daang taon na ang edad ang makikita. May katabi rin itong rebulto na sinasabing "White lady passenger."
Sa katarula na nakalagay malapit sa puno ng acacia, nakasaad ang mga katagang "This tree is Guimbal vanishing mansion" at "Sometime you see a tree, sometime you see a mansion."
Batay sa mga usapan-usapan, isang taxi driver na pumapasada sa gabi ang nakapagsakay umano ng isang babaeng maputi at nagpahatid sa misteryosong mansyon.
Nakapasok umano ang taxi sa gate ng mansyon pero nang pag-ikot niya ay bigla itong ng nawala, pati ang kaniyang pasahero.
Nakausap din ng "KMJS" ang isa ring taxi driver na nagkuwento na may naisakay din siyang maputing babae na nagpahatid sa mansyon. Pero nang malapit na sila sa plaza, biglang nawala ang kaniyang pasahero.
Kinumpirma naman ni Guimbal mayor Oscar Garin na siya mismo ang nagpalagay ng mga karatula sa acacia. Pero paglilinaw niya, hindi siya mapamahiin at hindi niya layon na takutin ang mga tao.
Sa halip, "sinakyan" lang niya ang mga kuwento-kuwento tungkol sa nawawalang mansyon at white lady para makuha ang atensyon ng mga tao at pati na ang mga motorista para magdahan-dahan kapag dumadaan sa lugar.
Bukod kasi sa nais niyang ingatan ang matandang puno, katabi rin nito ang isang paaralan kaya maraming estudyante ang dumadaan.
Para malaman kung totoo bang may nagyayaring kababalaghan sa lugar pagsapit ng gabi, naglagay dito ng camera para masubaybayan. Panoorin ang resulta ng ginawang pagmamatyag at tuklasin na rin ang iba pang mansyon sa Iloilo na bahagi na ng kasaysayan ng lalawigan:
Click here for more GMA Public Affairs videos.
-- FRJ, GMA News