Sa programang "Mars," nagbigay ng ilang tips ang isang Feng Shui expert para makatulong upang mas maging matagumpay ang isang negosyo.

"Any business lahat puwedeng mapalago 'yan kasi most likely hindi lang naman 'yung lucky business na ibinabase sa year, minsan binabase rin 'yan sa luck o birthday ng isang tao," sabi ni Johnson Chua, Feng Shui expert, sa "Paranormars" segment ng "Mars."

Ang 2018 daw ay Year of the Earth Dog na may kinalaman sa mga properties tulad ng mga rentals o commercials, at pinakamabuting elemento raw ang wood element, kaya papatok ang mga negosyo tungkol sa fashion at groceries.

Ayon pa kay Chua, ang mga "good luck" charm ay ginagamit kapag gawa na ang negosyo, kaya maiging simulan ito sa magandang pangalan, logo at branding.

"'Yung name ng business mo dapat nandoon na ang message ng negosyo mo. Kailangan 'yung unang catch pa lang ng client mo or ng mga tao, alam niya agad kung ano ang purpose mo at alam niya kung ano 'yung approach mo sa kanila," sabi ni Chua.

May kinalaman din daw ang kulay sa industriya ng isang negosyo.

Halimbawa na lamang, maiging gamitin ang yellow o brown sa mga property at services dahil may kaugnayan ang mga kulay na ito sa earth industry.

Samantalang ang kulay red naman ay nakikita sa mga food chain. Ayon kay Chua, ito raw ang kulay ng apoy kaya lahat ng gumagamit ng apoy ay pumapatok agad.

Pagdating sa lokasyon, dapat maraming espasyo at madaling puntahan ng tao ang isang negosyo.

Kung hindi namalayan ng isang tao na nalabag niya pala ang mga rules ng Feng Shui sa kaniyang negosyo, puwede siyang gumamit ng mga lucky charm.

Ang Buddha Frog, ayon kay Chua, ay lucky charm para akitin ang mga kliyente na pumasok at manatili sa lugar ng negosyo. Ang purpose raw ng Buddha ay para pasayahin ang mga tao, samantalang ang frog ay para "hulihin" ang kanilang pera.

Ang money tree naman ay para sa mga negosyong walang walk-ins, tulad ng mga online businesses, para sila'y makilala at magkaroon ng maraming referral.

Ang mga bamboo charms naman ay para maging stable ang negosyo at para malampasan ang mga obstacles at challenges na kinakaharap.

Para raw maiwasan ang mga empleyadong nagkakasakit, maaaring gamitin ang black stones o protective crystals, pero pinakamainam gamitin ang rock salt, dahil sinasabing nililinis daw nito ang isang tao.

Sabi ni Chua, lahat daw ng negosyo ay merong tinatawag na "spirit," kaya huwag itong bibiruin. Kung ang isang empleyado ay may nararamdamang sakit, galangin na lang nila ang spirit at huwag daw biruin.

"Magiging harmful lang sila kapag tayo mismo hina-harm natin sila," sabi ni Chua.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News