(Ngayong Oktubre 14, gugunitain ang ika-101 kapanganakan ng dating kalihim ng Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal at dating COMELEC chairman na si Jaime Ferrer.)
Agosto 2, 1987, umalis ng kaniyang opisina ang noo'y 70-anyos na Secretary of Local Government ni Pangulong Cory Aquino na si Jaime Ferrer. Pauwi na siya sa kaniyang bahay sa Parañaque sakay ng kotse na minamaneho ni Zosimo Calderon.
Dalawang araw bago nito, nabanggit ni Ferrer sa isa niyang undersecretary na may banta sa kaniyang buhay. At dahil isa lamang iyon sa marami niyang natatanggap na banta, hindi na niya iyon pinansin.
At kahit anong pilit sa kaniya ng mga kasamahan at kakilala na kumuha ng mga bodyguard, hindi niya ginawa. Hanggang sa isang araw, nangyari ang pinapangambahan ng kaniyang mga mahal sa buhay.
(Larawan: Mula sa aklat na, "Once A Hunter, Always A Hunter: Jaime N. Ferrer As Public Servant" ni Isagani Cruz)
Nagsimulang lingkod bayan
Si Jaime Nery Ferrer ay isinilang noong 14 October 1916 sa San Dionisio, Parañaque. Habang nagtatapos ng abogasya sa Philippine Law School, pumasok siya sa kaniyang unang trabaho sa pamahalaan noong 1934 bilang temporary clerk ng General Land Registration Office. Matapos nito ay naging empleyado ng Department of Justice.
Lumaban para sa bayan, bayani ng mga veteran
Sa pagsisimula ng digmaan, pinakasalan ni Ferrer ang kaniyang kasintahan na si Eriberta R. Bernabe, si Bertie, bago sumama sa kaniyang kapatid na si Juanito "Ka Janet" sa kabundukan. Nilabanan niya ang mga Hapones kasama ng mga Hunters ROTC Guerillas. Si Ferrer ang mamumuno sa "Hunters" sa Paranaque at 'di naglaon, ng Cavite, Rizal, Laguna at mga bahagi ng Tayabas.
Maging Judge Advocate na naglitis sa mga pasaway na gerilya. Kaya siya marahil nakilalang matapang at may mataas na integridad bilang, "Once a Hunter, Always a Hunter."
Bagaman natalo bilang kongresista sa kanyang unang halalan, naging bahagi ng si Ferrer ng barrio council, bokal ng lalawigan at naatasan na maging Division Chief, at hindi naglaon ay Acting Chairman ng Philippine Veterans Board. Nag-lobby siya sa US Congress para sa Burial Benefits Bill para sa mga beteranong Pilipino.
Sa likod ng NAMFREL at 'Magsaysay Boy'
Noong 1953, itinatag niya ang National Movement for Free Elections na layong matiyak na malinis ang halalan na nagpanalo kay Ramon Magsaysay bilang pangulo. Tumanggap ang NAMFREL ng funding mula sa mga Amerikanong institusyon kaya pinaghinalaan siyang CIA agent na kaniya naman itinanggi.
Isa siya sa naging mga "Magsaysay Boy," tagapayo ng pangulo at Undersecretary ng Agriculture and Natural Resources. Naging aktibo sa pagsusulong ng Progressive Party of the Philippines, bilang alternatibo sa mga tradisyunal na partido.
Kahit na sa kalaban sa nominasyon ng partido siya nangampanya, hinirang ni Pangulong Ferdinand Marcos si Ferrer bilang Presidential Assistant for Political Affairs. Ayon sa ilang tagamasid, nakita ni Marcos na potensyal ni Ferrer at posible niyang makalaban kaya kinaibigan siya.
Iginagalang na COMELEC Chairman
Noong 1969, hinirang na komisyunado si Ferrer, at matapos ang ilang buwan ay naging tagapangulo ng Commission on Elections. Ayon sa marami, sa kabila ng ginawang pagdungis ng mga kandidato sa halalan sa pamamagitan ng karahasan, nanatiling malinis ang bilangan ng mga boto sa ilalim ng kaniyang pamamahala sa mga halalan.
Ngunit nagbitiw si Ferrer sa puwesto dahil nais ni Marcos na ang ratipikasyon ng bagong Konstitusyon ay idaan sa taasan ng kamay. Dahil dito, pinaratangan siya ng rehimen sa balighong bintang na kapabayaan sa pagkawala ng dalawang typewriter.
Oposisyon at 'Angry Bird' ng kaniyang Panahon'
Kaya naman noong 1978, isa siya sa nanguna sa lapiang Lakas ng Bayan o LABAN sa naging halalan para sa Interim Batasang Pambansa kasama ni Ninoy Aquino.
Wala siyang takot sa pagsasalita laban sa diktadura. Gumagamit siya ng mga makukulay at matatapang na salita. Bagama't napakasikat nila, hindi sila nanalo sa halalan na iyon.
Pero noong dekada 80, naging akitibo siya sa Partido Demokratiko Pilipino o PDP ni Nene Pimentel ng Cagayan de Oro at nakipag-alyansa ito sa LABAN ni Ninoy Aquino. Ito na ngayon ang kinikilalang PDP-LABAN ngayon.
Itinuturo sa partidong ang pagpapalakas sa mga kooperatiba na bagay na sinimulan ni Ferrer sa Paranaque, dalawang dekada na ang nakararaan. Paalala niya sa mga kapartido, "You know, time will come when you guys will be in power, so always remember service is what we are now talking about, not getting rich."
Tulad ng sinabi ni Isagani Cruz sa aklat na, "Once A Hunter, Always A Hunter: Jaime N. Ferrer As Public Servant," allergic daw si Ferrer, isa siyang maituturing na “angry bird” laban sa nakaw na mga yaman.
Matapos ang pagpaslang kay Ninoy Aquino noong Agosto 21, 1983, nagwagi si Ferrer bilang Assemblyman ng Paranaque sa halalan noong 1984.
Secretary of Local Government
Nang maganap ang People Power, nais ni Pangulong Cory Aquino na tumakbo si Ferrer bilang senador. Ngunit tumanggi siya dahil hindi na raw siya bumabata.
Nang magpasyang tumakbong senador si Nene Pimentel, na noo'y Minister ng Department of Local Government, ang 70-anyos na si Ferrer ang napili ni Cory na pumalit sa nabakanteng posisyon.
Naging trabaho ni Ferrer sa panahon ng post-EDSA na tanggalin ang mga opisyal na nais lamang ay kapangyarihan at hindi ang paglilingkod talaga sa bayan. Nasa 200 OIC ang kaniyang sinibak, at binantayan niya ang mga balimbing.
Binuo niya ang mga grupo sa Mindanao para sa kapayapaan upang pahinain ang mga rebelde. Nais niya sanang ang mga anti-komunistang vigilante ay sumama sa mga grupong ito upang iwan na nila ang kanilang mga armas. Bagama't sinasabing sinuportahan niya ang vigilante group na Alsa Masa, siya pa mismo ang nag-atas na alisan na sila ng armas. Kumilos din siya upang sugpuin ang mga ilegal na sugal.
Nang minsang manalangin siya sa isang pagpupulong ng mga Gabinete, sinabi niya, "Lord, keep reminding us, however, that talent and ability without integrity are meaningless..."
Dahil sa kaniyang mga naging aksyon, dumami ang kaniyang mga kaaway.
Pananambang sa Kabihasnan
Gabi noong Agosto 2 1987, malapit na si Ferrer sa kaniyang tahanan matapos umalis sa opisina kasama ang drayber na si Calderon, may humarang sa kanilang mga lalaki na armado ng mga baril sa may Victor Medina Street sa Kabihasnan, Parañaque.
Tinutukan ng baril si Ferrer pero walang ekspresyon ng takot sa kaniyang mukha.
Hinarap niya ang kamatayan nang mata sa mata. Pinagbabaril sila ng limang salarin.
Nasawi si Ferrer at ang kaniyang drayber na si Calderon.
Nakaligtas siya sa napakaraming panganib sa kaniyang buhay, mula sa digmaan at maging sa diktadura, ngunit hindi siya nakaligtas sa panahon ng bagong demokrasya.
Sa kaniyang puntod nakalagay ang mga salitang, "The fight for democracy is a continuing struggle." -- FRJ, GMA News
Si Prop. Michael Charleston “Xiao” Briones Chua ay kasalukuyang assistant professorial lecturer ng History Department ng Pamantasang De La Salle Maynila at ang Public Relations Officer at kasapi ng Lupon ng Philippine Historical Association. Isa siyang historyador at naging consultant ng mga GMA News TV series na “Katipunan” at “Ilustrado.”