Setyembre 28, 1901 nang umatake ang mga magigiting na Filipino na armado ng mga gulok  laban sa puwersa ng mga mananakop na Amerikano na nakatalaga sa Balangiga, Samar. Ang naturang kabanata sa kasaysayan ng bansa ay pinangunahan ng hepe ng pulisya-- si Valeriano Abanador.

 


Tinatayang nasa 500 Pinoy ang sumama sa naturang pag-atake na pinamunuan ni Abanador. Ang ilan sa mga umatake, nagbihis babae pa umano para hindi mahalata ng mga Amerikano.

 


Naging hudyat din ng naturang pag-atake ang pagtunog ng kampana ng simbahan.

Sa 74 na mga sundalong Amerikano, 48 ang namatay, kabilang ang kanilang mga opisyal na sina Capt. Thomas Connell at 1st Lt. Edward Bumpus. Mayroon pang 22 malubhang nasugatan at natangay ng mga Filipino ang maraming armas at bala.

Ang naturang insidente ay itinuring ng Amerika na pinakamalaking kabiguan sa kanilang hanay nang panahong iyon. At sa kanilang pagganti, libu-libong Pinoy ang kaniyang pinaslang kabilang umano ang mga batang edad sampu pataas na binansagang Balangiga massacre. 

Tinangay din nila ang tatlong kampana ng simbahan na kilala sa tawag na "Balangiga bells," na ipinapanawagan ng pamahalaan ng Pilipinas na dapat ibalik na ng Amerika.

Bilang pagkilala sa kabayanihan ni Abanador, isang monumento ang itinayo sa plaza na may nakalagay ng marker mula sa National Historical Institute na nakasaad ang nangyaring masaker sa Balangiga.  (Larawan mula sa website ng Munisipalidad ng Balangiga)-- FRJ, GMA News