Ang pagdeklara ng Martial Law noong Setyembre 1972 ng noo'y Pangulong Ferdinand Marcos ay itinuturing ng marami na isa sa mga madilim na bahagi ng kasaysayan ng bansa. Alamin kung bakit.
Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabing Setyembre 21, 1972 nang pinirmahan ni Marcos ang Proclamation 1081, at pagkaraan ng dalawang araw ay inanunsyo niya sa telebisyon ang pagsailalim ng buong Pilipinas sa batas militar.
Ilan sa mga idinahilan niya ang banta ng komunismo, mga serye ng pambobomba gaya ng Plaza Miranda bombing, at ang umano'y nagsibling "last straw" na pananambang sa noo'y Defense Minister na si Juan Ponce Enrile.
Ngunit may mga nagsasabi na gawa-gawa lang ang naturang pananambang kay Enrile.
Sa ilalim ng batas militar, ipinatupad ang curfew mula hatinggabi hanggang alas-kwatro ng umaga. Ipinagbawal ang mga demonstrasyon, ipinasara ang ilang diyaryo at mga himpilan ng telebisyon at radyo, isa-isang inaresto ang mga kalaban sa pulitika ni Marcos.
Kabilang sa mga unang dinakip ang noo'y opposition leader na si dating Senador Benigno "Ninoy" Aquino.
Sa pagratipika ng 1973 Constitution habang umiiral ang batas militar, pinalawig ang pag-upo sa kapangyarihan ni Marcos, na tumagal ng 20 taon.
Batay sa datos ng Human Rights Claims Board, mahigit 75,000 ang naitalang human rights violations sa pag-iral ng martial law.
Aabot naman sa 30,000 ang biktima ng torture, marami rin ang tinawag na "desaparecidos," o ang mga tao na dinakip, ikinulong, nawala at hindi na nakita hanggang ngayon.
Naapektuhan din maging ang ekonomiya ng bansa. Bagaman dumami ang mga naipatayong impraestruktura, nabaon naman sa utang ang bansa na umabot sa mahigit $20 bilyon.
Sa harap ng kahirapan ng maraming Pilipino, naging kapuna-puna naman ang marangyang pamumuhay ng mga Marcos, na lalo umanong nagpaugong sa hinalang nagnakaw sila at ang kanilang mga kaibigan o cronies sa kaban ng bayan.
Noong Enero 17, 1981, binawi na ni Marcos ang batas militar sa bisa ng Proclamation No 2045.
Sinasabing ginawa ito para ipakita sa Amerika na maayos na ang takbo ng Pilipinas. Nangyari ito habang bagong halal na pangulo noon ng Amerika si Ronald Reagan. Bukod dito, pinaplano noon ni Pope John Paul II ang bumisita sa bansa. -- FRJ, GMA News