Sampung araw bago ianunsyo sa telebisyon ng noo'y Pangulong Ferdinand Marcos ang deklarasyon ng Martial Law sa Pilipinas noong Setyembre 23, 1972, nagtalumpati sa Senado ang noo'y kalaban niya sa pulitika na si Benigno "Ninoy" Aquino Jr., tungkol sa umano'y "Oplan Sagittarius" na nagsasaad sa planong pagdeklara ng batas militar.

Setyembre 13, 1972 nang isagawa ni Ninoy ang kaniyang talumpati tungkol nakalap niyang impormasyon na “Oplan Sagittarius” na isa umanong top-secret military plan ng administrasyong Marcos na isailalim ang bansa sa batas militar na sisimulan sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan.

Kasama umano sa plano ang pagsasagawa ng mga pambobomba sa Metro Manila para makalikha ng kaguluhan na gagamiting basehan sa pagdedeklara ng batas militar.

Isang linggo matapos ang naturang talumpati ni Ninoy, isa-isang inaresto ang mga politiko na kilalang kritiko ng administrasyong Marcos. Kabilang dito sina Sens. Ninoy, Jose Diokno, Ramon Mitra, at maging ang mga mamamahayag na sina Joaquin Roces, Trodoro Locsin Sr, Luis Beltran at iba pa.

Nakapagsagawa pa muli ng isang talumpati si Ninoy sa Senado noong Setyembre 21, 1972.  Ito na ang kaniyang naging huling talumpati bilang senador.

Sa sumunod na araw, September 22,  tinambangan ang convoy ng noo'y Secretary of Defense na si Juan Ponce Enrile.

At bagaman Setyembre 21, 1972 ang nakasaad na petsa sa kautusang nagdedeklara ng martial law, inanunsyo ni Marcos sa telebisyon ang pagsasailalim ng bansa sa batas militar noong Setyembre 23, 1972. -- FRJ, GMA News