Muling nagbigay ng payo ang resident dermatologist ng "Pinoy MD" tungkol sa sari-saring problema sa balat tulad ng makating problemang dulot ng kuto, an-an at pati na ang singaw sa bibig. Nagbigay din siya ng payo para iwas sa pag-itim ng kilikili.
Paliwanag ni Dra. Jean Marquez, sa isang nagpadala ng tanong, hindi gamot sa an-an ang glutathione, na isang antioxidant, na ang side effect ay magpaputi ng balat.
Ayon sa duktora, ang an-an ay isang yeast o fungal infection kaya ang mabisang panlaban dito ay isang anti fungal medicine.
Sa nagpadala ng tanong tungkol sa singaw sa bibig na karaniwang nagkakaroon ang tao, sinabi ni Dra. Jean na isa itong viral infection at lumalabas kapag humihina ang resistensiya sa katawan at nagkasakit.
Mayroon umanong ibang singaw na sadyang mababaw lang o maliit, pero kung malaki ang singaw at matagal na hindi gumagaling, makabubuting magpatingin na sa duktor dahil baka may kaakibat na itong ibang sakit.
Kung paulit-ulit ang pagkakaroon ng singaw, posibleng dulot umano ito ng vitamins deficiency tulad ng kakulangan sa iron, vitamin c, b-complex, zinc, at folate.
Posibleng nagkakaroon din ng irritation sa denture o sumasabit ang braces o pustiso, o baka sensitive sa iniinom o kinakain gaya ng maasim, o sa ginagamit na toothpaste.
Pagdating sa problema sa kuto, sinabi ni Dra. Jean na maaaring gumamit ng permethrin lotion na inilalagay sa anit at iiwan ng walo hanggang 12 oras.
Pero dapat daw ay may abiso ito ng duktor.
Uulitin ang proseso pagkaraan ng siyam o 10 araw para mapuksa ang natitirang kuto sa anit.
Ang mga bagay na ginamit sa ulo sa nakaraang dalawang araw, dapat umanong banlawan ng mainit na tubig, o ilagay sa isang plastic at ikulong ng hanggang dalawang linggo para mapatay kung may naiwan kuto sa gamit.
Kabilang naman sa home remedy para maiwasan ang pag-itim ng kilikili ay iwasang magasgas ang kilikili. Kaya makabubuti umanong maluwag na damit ang isuot, iwasan ang paggamit ng matatapang na antiperspirant na nakaka-dry ng skin, huwag gumamit ng matatapang na sabon, at gumamit ng mosturizer, dapat basa ang kilikili kapag mag-aahit, at dapat dahan-dahan ang pag-ahit.
Kabubuti ring magtungo sa dermatologist para mabigyan ng mild whitening cream.
Panoorin ang buong video ng "Pinoy MD":
Click here for more GMA Public Affairs videos:
-- FRJ/KVD, GMA News