Maraming sintomas ang diabetes na hindi alam ng karamihan. Kaya ang akala nilang simpleng sugat at pananakit lang ng ilang parte ng katawan na kanilang binabalewala, nauuwi sa mas malaking problemang pangkalusugan. Ano-ano nga ba ang mga sintomas ng diabetes at paano ito maiiwasan? Panoorin ang ginawang pagtalakay na ito sa GMA health program na "Pinoy MD."

Sinasabing ang isang tao na malusog ang pangangatawan ay kayang mapagaling ang sugat sa loob ng limang araw. Pero kung hindi ito kaagad gumagaling, dapat nang magpasuri dahil baka mayroon nang diabetes ang pasyente.

Gaya ni Richie na mayroong type 2 diabetes, na ang simpleng sugat sa paa na nalikha sa paggupit niya ng kuko, lumalala sa mas malaking problema.

"Two weeks hanggang one month hindi gumagaling pero medyo natutuyo pero bumabalik [ang sugat]," paliwanag niya.

Ilang sa sintomas ng pagkakaroon ng diabetes ay biglang pangangayayat, madalas na pag-ihi, paglabo ng mga mata, at nakararamdaman ng pamamanhid ng mga paa.

Paliwanag sa programa, kapag may diabetes ang tao, wala o hindi sapat ang ginagawang insulin ng pancreas. Dahil sa kawalan at kakulangan ng insulin, hindi naa-absorb ng katawan ang glucose na nagmumula sa ating kinakain.

Ang mga hindi naa-absorb na glucose, nanatili sa dugo at nagiging sanhi ng mataas na blood sugar level. At kapag tumaas ang antas ng asukal sa katawan, nasisira naman nito ang blood vessels at nerves na nagpapadala ng signal sa utak.

Ang resulta nito, humihina ang mga koneksyon sa utak kaya nakararamdaman ng pamamanhid o pananakit ang pasyente. Dito na magsisimula ang mga komplikasyon ng diabetes na neuropathy.

Ang pinakapangkaraniwan umano nito ay ang peripheral neuropathy na nakasisira sa nerve o ugat sa kamay at paa. 

Panoorin ang buong pagtalakay ng "Pinoy MD" tungkol sa sakit na diabetes at alamin ang iba pang impormasyon tungkol sa sintomas ng peripheral neuropathy, at mga pag-iingat na kailangan gawin ng isang tao:


Click here for more of GMA Public Affairs video:

-- FRJ, GMA News