Bukod sa hindi magandang tingnan, may seryosong peligro sa kalusugan ang maaaring idulot ang mga naglalakihang ugat sa binti na kung tawagin ay varicose veins. Alamin sa programang "Pinoy MD" ang mga puwedeng gawin para malunasan ito.

Sa programang "Pinoy MD," ikinuwento ni Julie ang kaniyang karanasan sa pagkakaroon ng malalaking ugat sa binti na kaniyang itinatago kapag lumalabas sa pamamagitan ng pagsuot ng leggings.

Paniwala ni Julie, nagkaroon siya ng malalaking ugat sa binti dahil madalas siyang nakatayo.

Ayon sa programa, may pagkakataon na hindi maganda ang daloy ng dugo sa katawan kaya naiipon ang ang dugo sa ugat kaya namamaga ito at nagiging varicose veins.

Paliwanag ng dermatologist na si Dra. Jean Marquez, maliban sa family history, may mga dahilan kaya nagti-trigger ang pamamaga ng mga ugat sa binti.

Nangyayari ito habang nagkakaedad ang isang tao at dahil sa uri ng kaniyang trabaho tulad ng palaging nakatayo o hindi madalas kumilos.

Maliban sa hindi magandang tingnan, madalas daw na nakararamdam ng pangangalay ang may varicose veins. At kung mapapabayaan, maaari umano itong magdulot ng mas matinding komplikasyon gaya blood clot at tinatawag na venous thrombosis.

Samantala, ang bumarang dugo o blood clot ay maaari naman daw mapunta sa baga at magiging dahilan ng pulmonary embolism na puwedeng ikamatay ng tao.

Panoorin ang pagtalakay ng "Pinoy MD" sa naturang usapin para malaman ang mga pamamaraan na maaaring gawin upang maiiwasan o malunasan ang varicose veins:



Click here for more GMA Public Affairs videos:

-- FRJ, GMA News