Pabalik-balik ba ang pananakit ng tiyan mo o likod? Pakiramdam mo ba ay acidic ka o may ulcer? Baka may bato ka na sa apdo o gallstones. Anu-ano nga ba ang palatandaan nito at paano ito maiiwasan?
Maliban sa alta-presyon, mataas na cholesterol at sakit sa puso, ang hindi tamang pagkain ng mga maaalat at matatabang pagkain ay maaari ring maging sanhi ng pagkakaroon ng bato sa apdo, o ang tinatawag na gallstones.
Sa isang episode ng programang "Pinoy MD," ibinahagi ni Josephine Rose, sumailalim sa operasyon dahil sa gallstones, ang mga naramdaman niya bago natuklasan na may bato na pala sa kaniyang apdo.
Dahil sa paulit-ulit na pananakit ng tiyan at likod sa loob ng dalawang taon, doon lang siya nagpasyang magpasuri at natuklasan ang bato sa kaniyang apdo.
"Ang akala ko talaga bumalik yung kidney stone kasi halos pareho lang din (sintomas), masakit yung likod ganun. Parang lagi akong acidic, akala ko nalilipasan ako ng gutom, akala ko ano ulcer," kuwento niya.
Ayon sa programa, mataas ang posibilidad na magkaroon ng gallstones kung ang tao ay obese, diabetic, umiinom ng gamot na pampababa ng cholesterol, at biglaang nangangayayat. Malaki rin umano ang posibilidad na magkaroon ng gallstone ang mga taong may malapit na kaanak na nagkaroon nito.
Para makaiwas sa operasyon na tinatawag na cholecystectomy para alisin ang apdo, kailangan hinay-hinay lang sa pagkain ng karne at kumain ng masustansiyang pagkain.
Panoorin ang video upang madagdagan ang kaalaman tungkol sa naturang sakit at nang makaiwas:
Click here for more GMA Public Affairs videos:
-- FRJ, GMA News