Iba't iba ang sintomas ng pagbaho ng hininga o "bad breath," depende sa pinagmumulan nito.
May mga tao na nag-aalala sa kanilang hininga kahit wala naman talaga itong amoy, samantalang ang iba nama'y may mabahong hininga ngunit hindi nila namamalayan. Dahil sadyang mahirap alamin ang amoy ng iyong sariling bibig, inererekomenda na magtanong sa kakilala o kamag-anak tungkol sa iyong hininga.
Kung ikaw ay may mabahong hininga, pinapayuhan na suriin ang iyong oral hygiene habits. Subukang baguhin ang iyong nakagawian, tulad ng pagsisipilyo ng iyong ngipin at dila pagkatapos kumain, paggamit ng dental floss at pag-inom ng maraming tubig.
Ibinahagi ng Mayo Clinic ang ilang sanhi ng bad breath:
1. Pagkain - Ang pananatili ng tinga o tirang pagkain sa paligid ng iyong ngipin ay maaaring makadagdag ng bakterya at makapagdulot ng mabahong amoy. Nakapagpapabaho rin ng hininga ang pagkain ng sibuyas, bawang at iba pang pampalasa. Pumapasok ang mga ganitong pagkain sa daluyan ng dugo hanggang sa baga na maaaring makaapekto ng iyong hininga.
2. Tobacco products - Sadyang nakapagpapabaho ng hininga ang paninigarilyo. Mas malaki ang tsansa ng mga naninigarilyo at humihithit ng tabako na magkaroon ng gum disease na isa pang sanhi ng mabahong hininga.
3. Poor dental hygiene - Kung hindi magsisipilyo o gagamit ng floss araw-araw, maiiwan ang mga tinga sa ngipin na siyang ikabubuo ng plaque. Kapag hindi natanggal, magiging sanhi ng sakit sa gilagid ang plaque at magdudulot ng plaque-filled pockets sa pagitan ng ngipin at gilagid o "periodontitis." Maaari ding magkaroon ng bakterya ang dila at mga pustisong hindi nalilinis.
4. Dry mouth - Ang laway ay nakatutulong na maglinis ng bibig dahil tinatanggal nito ang mga tirang pagkain sa bibig. Ngunit ang kundisyon na tinatawag na dry mouth o "xerostomia" ay nakapagpapabaho ng hininga dahil sa kakaunting pagprodyus ng laway. Kadalasang nangyayari ang pagkatuyo ng bibig sa pagtulog, na nagdudulot ng "morning breath" at magiging mas mabaho pa kung natulog ka na nakabuka ang iyong bibig.
5. Medication - Nagiging dahilan din ang ilang medikasyon sa pagkakaroon ng "dry mouth" dahil sa mga kemikal na sumasama sa iyong hininga.
6. Infection - Maaari ding magdulot ng bad breath ang surgical wounds na nakukuha sa pagbunot ng ngipin, tooth decay, gum disease o mouth sores.
7. Iba pang kundisyon - Nagdudulot din ng mabahong hininga ang mga bato na nabubuo sa tonsil na siyang kinakapitan ng bacteria. Nagdudulot din ng mabahong hininga ang impeksyon o pamamaga sa ilong, sinuses o lalamunan. Nakapagpapabaho rin ng hininga ang ilang sakit tulad ng cancer at metabolic disorders.
Upang maiwasan ang pagbaho ng hininga, pinapayuhang gawin ang mga sumusunod:
1. Magsipilyo pagkatapos kumain - Palaging magdala ng toothbrush at gamitin pagkakain. Gumamit ng toothpaste na may fluoride at gawin ito kahit dalawang beses sa isang araw.
2. Gumamit ng floss isang beses sa isang araw - Natatanggal nang tamang pag-floss ang mga natirang pagkain sa ngipin.
3. Sipilyuhin din ang dila - Nakakabawas ng pagbaho ng hininga ang pagsipilyo ng dila. Sa mga may coated tongue dulot ng paninigarilyo o dry mouth, maaaring gumamit ng tongue scraper upang maalis ang bakterya.
4. Maglinis ng pustiso at bridges - Linisin ang mga ito isang beses sa isang araw o sa oras na itinakda ng dentista. Linisin ang dental retainer o mouth guard bago ipasok sa inyong bibig. Maaaring irekomenda ng doktor ang pinakamabisang panglinis.
5. Iwasan ang dry mouth - Iwasan ang tabako at iba pang maaaring magdulot ng dry mouth tulad ng kape, soft drinks o alcohol. Uminom ng maraming tubig. Ngumuya ng gum o kumain ng candy upang makapagprodyus ng laway.
6. Ayusin ang diet - Iwasan ang pagkain ng sibuyas at bawang. Bawasan din ang pagkain ng matamis dahil nagdudulot din ito ng pagkabaho ng hininga.
7. Ugaliing magpalit ng sipilyo - Palitan ang iyong sipilyo 'pag ito'y naluma o umabot na ng tatlo hanggang apat na buwan. Piliin ang soft-bristled toothbrush.
8. Magtakda ng regular na dental check-up - Konsultahin ang iyong dentista dalawang beses sa isang taon upang masuri at malinis ang iyong ngipin o pustiso. —Jamil Santos/JST/FRJ, GMA News