Patay matapos pagbabarilin sa loob ng kanilang tindahan ang isang mag-asawa at kanilang anak na 10-taong-gulang sa San Leonardo, Nueva Ecija nitong Miyerkules ng hapon.
Sa ulat ni Ian Cruz sa GMA News “Saksi” nitong Huwebes, sinabing pinasok ng tatlo sa apat na suspek ang tindahan at pinagbabaril ang mga biktima.
Kaagad na tumakas ang mga suspek sakay ng dalawang motorsiklo.
Mga basyo ng bala mula sa kalibre .45 na baril ang nakita ng mga awtoridad sa pinangyarihan ng krimen.
Sa follow-up operation, naaresto ng mga awtoridad ang dalawang magkapatid na kabilang sa apat na suspek.
Ang hindi umano mabayarang utang ng mga suspek ang tinitingnan ng mga awtoridad na motibo sa krimen.
“Dahil hindi na makapagbayad tapos may nangyari pa pong insidente na hinagisan ng granada yung pamilya. Parang ang naging settlement nila nagbayad sila ng P150,000 tapos binigay nila yung titulo ng lupa," ayon kay Police Captain Noime Gogotano, public information officer ng Nueva Ecija Police Provincial Office.
Dahil tumutubo pa rin umano ang utang, umabot ito sa kulang-kulang P1 milyon.
Hinihina rin ng mga awtoridad na inupahan ang pumatay sa mag-anak.
Nakakulong sa San Leonardo Police Station ang dalawang nadakip na suspek, habang patuloy na tinutugis ang dalawa pa. —FRJ, GMA Integrated News