Kaawa-awa ang sinapit ng isang aso sa Murcia, Negros Occidental na nakitang may limang tama ng pana at nakabaon pa sa kaniyang katawan. Ang aso, pinaniniwalaang iginapos muna at saka ginawang target.
Sa ulat ni Adrian Prietos sa GMA Regional TV One Western Visayas nitong Miyerkoles, sinabing natagpuan na sugatan at naghihina na ang aso na si "Tiktok," sa Barangay Blumentritt noong Lunes, February 24, 2025.
May nakita ring alambre sa leeg ng aso kaya pininiwalaan na iginapos muna si Tiktok at saka ginawang target ng pana na bakal ang bala.
“Ang kaniyang leeg may alambre. Tapos tinira nang tinira. Masama ang loob ko kasi kami ang nagpalaki (sa aso),” hinanakit ni Corazon de la Cruz.
Si Cheryl Sumagaysay ang kumuha ng larawan sa kahabag-habag na kalagayan ni Tiktok at ipinost online upang makuha ang atensyon ng animal welfare groups para matulungan ang aso.
“Nang nakita ko siya, naisip ko na kunin ang cellphone at picture-ran siya. Ginawa sigurong dart (board) ang aso. Hindi na nakuntento sa isa lang,” ani Cheryl.
Nagsagawa naman ng online bayanihan ang animal rights advocates para makalikom ng pondo upang maoperahan si Tiktok at matanggal ang mga pana na nakabaon sa kaniyang katawan.
Hindi naging madali ang pag-alis sa mga pana dahil may sima o kawit ang dulo nito. Pinapangambahan din ang tetanus infection sa aso.
“Medyo mahirap ito kasi serrated siya, nakatusok ito sa kaniyang laman. At ang fear natin is tetanus,” ayon sa animal rights advocate na si Dr. Aaron Pabalan, Jr.
Umaasa si Pabalan na dahil sa nangyari kay Tiktok, magkakaroon ng mas mahigpit na pagpapatupad sa batas laban sa mga nagmamalupit sa mga hayop.
“Hopefully maging eye-opener ito sa atin. Ma-move naman ang gumagawa ng ating mga batas na somehow, lagyan nila ng bigat,” ani Pabalan.
Hinihinala ng pulisya na pinagtripan ang aso at sinubukan ang pinsalang maidudulot ng pana.
“Baka napagtripan ng kabataan kasi kung titingnan natin ang "indyan panâ," maaaring makapatay talaga. Maaari ngang makapatay ng tao, hayop pa na maliit,” sabi ni Major Sherwin Fernandez, hepe ng Murcia Police Station.
Nag-alok naman ang lokal na pamahalaan ng Murcia at iba pang concerned groups ng pabuya sa makapagtuturo kung sino ang nasa likod ng pananakit kay Tiktok.
Sa ngayon, nasa P235,000 na nalilikom na pondong pabuya.-- FRJ, GMA Integrated News