Sugatan at dinala sa ospital ang isang guro matapos na barilin umano ng kaniyang asawa na isang pulis sa Villadolid sa Negros Occidental.

Sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Biyernes, sinabi ni Police Captain Benifacio Galvez. Jr., Deputy Chief ng Villadolid MPS, na lumitaw sa imbestigasyon na nakainom umano ang suspek nang mangyari ang insidente.

"Hinawakan niya ang kaniyang firearm, itinutok ang baril sa kaniyang asawa, ipinutok niya at tinamaan ang kaniyang asawa," ayon kay Galvez.

Ayon sa biktima, hindi na makakilala ang kaniyang asawa dahil sa kalasingan.

Nahimasmasan lang umano ang suspek matapos na barilin ang asawa.

Walang ibinigay na pahayag ang suspek, ayon sa ulat. 

Naunang iniulat na desidido ang misis na kasuhan ang kaniyang mister. Pero ayon sa GMA Regional TV One Western Visayas nitong Biyernes ng gabi, sinabi ng pulisya na nagbago na ang isip ng biktima at hindi na magsasampa ng reklamo laban sa kaniyang asawa.

Gayunman, itutuloy naman ng mga awtoridad ang pagsasampa nila ng reklamong administratibo laban sa kanilang kasamahan.-- FRJ, GMA Integrated News