Ikinabahala ng mga residente ang magkakasunod na insidente ng pagnanakaw sa mga alagang hayop gaya ng mga baka at panabong na manok sa Palayan, Nueva Ecija.
Sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Biyernes, sinabing tatlong baka na ang nawala sa lugar nitong buwan pa lamang ng Enero at Pebrero.
Bukod dito, ilang kambing at panabong na manok din ang tinangay ng mga kawatan.
Ilan naman sa mga baka ang kinakatay at ulo at buto na lang ang iniiwan.
Patuloy ang mga opisiyal ng iba't ibang barangay sa pagbabantay ngunit wala pa silang nadadakip.
Sinabi ng kapitan ng isang barangay doon na nag-umpisang dumami ang mga insidente ng nakawan matapos alisin ang checkpoint.
Humingi na ang mga opisyal ng tulong sa pulisya para maprotektahan ang mga alagang hayop ng mga residente. --Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News