Nagtamo ng mga sugat ang tatlong sakay ng e-bike matapos itong masalpok ng isang SUV sa Barangay Ligas 1 sa Bacoor, Cavite Lunes ng madaling araw. Ang SUV, nag-blink pa ng headlights na hudyat na padaanin sana ito ng e-bike ngunit lumiko ang e-bike.
Sa ulat ni Bam Alegre sa Balitanghali nitong Martes, mapanonood sa CCTV ang SUV na bumibiyahe sa De Castro sa nasabing barangay.
Sa kabilang lane naman, isang e-bike ang nakita rin na may sakay na tatlong tao.
Nag-blink ng headlights ang SUV, ngunit sa halip na tumigil, lumiko papunta sa isang convenience store ang e-bike.
Sa isang iglap, nabangga na ng SUV ang e-bike, habang tumalsik ang mga sakay nito. Nagpatuloy naman sa pag-andar ang SUV.
Agad rumesponde ang tanod na si Rey Catolico upang habulin ang nang-hit-and-run na SUV.
Binigyan ng paunang lunas ang mga sakay ng e-bike na nagtamo ng mga galos at sugat.
Wasak ang harapang bahagi ng e-bike, na nasa impound area ng barangay habang nag-iimbestiga sa aksidente.
Patuloy ang imbestigasyon ng traffic police sa hit-and-run at ang pagkakakilanlan ng driver ng SUV.
--Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News