Isang multi-cab ang nahuli-cam na bumangga sa isang nakaparadang truck sa isang highway sa Sta. Cruz, Davao del Sur. Ang pitong pasahero nito, sugatan.

Sa ulat ni Rgil Relator ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Martes, mapanonood ang dashcam video ng insidente na naganap sa kahabaan ng Davao-Digos Highway nitong Linggo.

Sa video, makikitang maayos ang daloy ng trapiko pero bahagyang lumihis papunta sa gilid ng daan ang direksyon ng multicab kung saan nakaparada ang truck.

Huli na nang babalik na sa dati niyang linya ang multicab at bumangga na siya sa truck. Sa lakas ng pagbangga, umikot ang sasakyan at tumilapon ang ilang sakay nito.

Isang biktima ang nagulungan ng kasunod na SUV, na agad ding napapreno.

Isinalaysay ng Sta. Cruz Police na pito ang sugatan, na pawang mga sakay ng multicab.

Hindi pa nagbibigay ng kaniyang panig ang driver, na kasalukuyang nagpapagaling sa ospital.

Patuloy ang pagsasagawa ng imbestigasyon sa insidente.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News