Arestado ang isang lalaki sa pagnanakaw ng dalawang case na puno ng basyo ng soft drinks sa isang tindahan sa Cebu City. Ang suspek, nanakawan din nang iwan niya sa gilid ng kalsada ang mga bote at tinangay naman ito ng isa pang lalaki.
Sa ulat ng GMA Regional TV, na iniulat din ni John Consulta sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood ang suspek na tinatangay ang mga case, bago isa-isang isinakay sa kariton bago umalis.
Nadakip ang lalaki matapos dumulog ang may-ari ng tindahan sa mga awtoridad.
Tumanggi pa sa mga paratang ang lalaki.
Dinala ang suspek sa barangay para sa imbestigasyon, kaya iniwan muna niya sa gilid ng kalsada ang kaniyang kariton.
Ngunit nang balikan ng mga awtoridad ang kariton, wala na ang mga ninakaw na bote matapos tangayin ng isa pang lalaki.
Patuloy ang paghahanap sa lalaking tumangay sa mga bote.
Samantala, inihahanda ang mga reklamo laban sa nahuling suspek. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News