Nasawi ang pinuno ng Land Transportation Office (LTO) sa Pikit, Cotabato matapos siyang pagbabarilin sa loob ng sasakyan sa Barangay Inug-ug kaninang umaga ng Biyernes.
Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao, kinilala ang biktima na si Johnson Edil, na nagsisilbi ring political chairman ng Moro Islamic Liberation Front-Bangsamoro Islamic Armed Forces (MILF-BIAF).
Batay sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad, nasa loob ng kaniyang sasakyan si Edil nang lapitan siya ng salarin at pagbabarilin.
Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang biktima.
Patuloy pa ang imbestigasyon para alamin ang motibo sa krimen at pagkakakilanlan ng salarin.-- FRJ, GMA Integrated News