Isang lalaking rider at dalawang babae na angkas niya ang nasawi nang mabangga ng isang closed van ang sinasakyan nilang motorsiklo sa Sta. Barbara, Pangasinan. Ang mga biktima, pawang menor de edad.

Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon, sinabing nangyari ang trahediya noong Miyerkules dakong 2:00 am sa national road na bahagi ng Barangay Tebag East.

Sa lakas ng banggaan, tumilapon ang mga biktima at nasunog ang motorsiklo.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na ang closed van ang pumasok sa linya ng kalsada ng motorsiklo kaya nangyari ang salpukan.

"Lumalabas sa imbestigasyon natin na yung driver ng van ang nag-encroach kumbaga siya po yung pumunta ru'n sa linya ng motor," ayon kay Sta. Barbara Police chief Leiutenant Colonel Michael Datuin

Napag-alaman din na walang lisensiya ang binatilyong rider at hindi nagpaalam sa kaniyang mga magulang nang gamitin ang motorsiklo ng kanilang kamag-anak.

“Bandang alas-dyes pa po tinignan po ng asawa ko dun sa kuwarto, andun pa po siya, naglalaro sila nung bata. Akala po namin talagang hindi na siya aalis. Binilin ko pa, ‘Anak wag kang aalis kasi masakit ulo ko.’ ‘Opo, Mama,’ sabi niya,” ayon kay Jackilou Vicente, ina ng rider.

Sinampahan na ng reklamo ang driver ng van na wala pang ibinibigay na pahayag.-- FRJ, GMA Integrated News