Nauwi sa away ang pagsita ng traffic enforcer sa isang rider ng motorsiklong dumaan sa "one-way" traffic flow sa Cagayan de Oro. Ang rider, nanuntok at nanghampas pa ng helmet.

Sa ulat ni Cyril Chaves sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Huwebes, makikita sa video na pinara ng tauhan ng Roads and Traffic Administration (RTA) ang rider na may angkas na babae.

Tumigil naman ang rider pero nang bumaba ito sa motorsiklo, at sinuntok niya ang traffic enforcer. Pilit namang umaawat ang kasama niyang babae.

Sumaklolo na rin ang isa pang traffic enforcer at doon na nagtanggal ng helmet ang rider at inihampas sa mga enforcer.

Patuloy pa ang komosyon nang dumating ang mga pulis para awatin ang kaguluhan.

Ayon kay RTA spokesperson James Andrade, ipapaubaya nila sa kanilang mga tauhan kung sasampahan ng reklamo ang rider.

“Sa ingon adto nga panghitabo, maskin kinsa man galing, andam man gyud ta nga mo-file og kaso pero depende man na sa atong mga traffic enforcer kung mo-file ba gyud sila. Of course, ang buhatan sa RTA andam man pud nga makig-settle kung amicable settle nato,” sabi ni Andrade.

“Reminders nato sa atong mga kaigsuonan nga mga motorista nga dili na nato paabton sa ingon ani nga mga sitwasyon kung asa kita makakita og sumbagay dili kay sa traffic enforcers lang pati sa atong kapulisan o any authorize personnel labi na sa dalan kay mao ni ang muresulta sa hasol sa adlaw-adlaw nga panginabuhi,” dagdag niya

Hinihintay naman ng dalawang traffic enforcer ang pagpunta ng rider sa kanilang tanggapan para pag-usapan ang nangyaring insidente.

Pinaalalahanan din ng RTA ang kanilang mga kasamahan na sundin ang kanilang panuntunan sa pagpapatupad ng kanilang tungkulin.

Sinusubukan pa ng GMA Regional TV One Mindanao na makuhanan ng pahayag ang rider," ayon sa ulat.-- FRJ, GMA Integrated News