Arestado ang isang babae dahil sa pagbebenta umano ng ilegal na droga na nagkakahalaga ng mahigit P680,000 sa Dasmariñas, Cavite.

Sa ulat ng Balitanghali nitong Miyerkoles, sinabing nadakip ang suspek nang pagbentahan niya ng sachet ng hinihinalang shabu ang isang operatiba na nagpanggap na buyer sa isinagawang buy-bust operation.

Bukod dito, nakuha rin sa suspek ang hindi bababa sa 100 gramo ng shabu umano.

Natuklasan din ng pulisya sa cellphone ng suspek ang mga transaksiyon na may kaugnayan din sa ilegal na droga.

Nahaharap sa mga karampatang reklamo ang suspek, na hindi nagbigay ng pahayag.--Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News