Patay matapos tambangan at pagbabarilin sa Cotabato ang isang basketball player na dating naglaro sa National Collegiate Athletic Association (NCAA) at Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL).

Sa ulat ni Joseph Morong sa GTV News State of the Nation nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Ken Fred “Kentoy” Segura, na nagtamo ng dalawang tama ng bala sa katawan.

Ayon sa Cotabato Police Provincial Office, maglalaro sana ng basketball si Segura at ang kaniyang pamangkin sa Barangay Pulanglupa. Pero habang nagtatanong sa mga residente kung saan ang daan, doon na sila pinagbabaril ng salarin.

Ginamit pa ng suspek ang sasakyan ng biktima sa pagtakas.

Nasawi si Segura, habang nakaligtas naman ang kaniyang pamangkin.

Naharang naman ng mga pulis sa isinagawa nilang operasyon ang sasakyan na tugma raw sa ginamit na sasakyan ng salarin.

Nakatakas ang driver nito pero nahuli ang kasama nitong babae. Parehong silang itinuturing person of interes sa kaso.

Patuloy pa ng imbestigasyon ng pulisya sa posibleng motibo sa krimen.-- FRJ, GMA Integrated News