Naaresto na ng mga awtoridad ang buko vendor na suspek sa pagpatay sa kaniyang live-in partner at dalawang batang anak sa pamamagitan ng pagtaga gamit ang itak. Ang suspek, sugatan matapos barilin ng pulis dahil nagtangka umano itong manlaban.

Sa ulat ni Fe Marie Dumaboc sa GMA Regional TV News, sinabi ni Police Lieutenant Colonel Verniño Noserale, hepe ng City of Naga Police Station, naaresto ang suspek na si Carlo Camporedondo, 33-anyos, sa Barangay Cogon, na tinatayang mahigit apat na kilometro ang layo mula sa kanilang bahay sa Barangay Lutac, na pinangyarihan ng krimen.

Nagtamo ng tama ng bala sa tuhod si Camporedondo matapos barilin ng umaarestong pulis dahil nagtangka umano itong atakihin ang mga awtoridad gamit ang itak na ginamit niya sa krimen.

Dinala siya sa isang public hospital sa Cebu City habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa kanila, kasama na ang two counts of parricide.

“[Sa] Cogon, still part of City of Naga nacorner atong suspect, instead of surrendering to one of our team nga gi-compose, he managed to attack one of our police officers by his bolo, katong murder weapon, so as circumstances required our personnel, defended himself and used reasonable force to repel the attack of our suspect, that cause injury sa iyang tuhod," ayon kay Noserale.

Suspek si Camporedondo sa pagtaga at pagpatay sa kaniyang kinakasama na si Junelyn Gimenez, 32-anyos, at dalawa nilang anak na edad 11 at dalawa.

Nangyari ang krimen noong umaga ng Enero 27 sa kanilang bahay. Tinangka rin umanong tagain ng suspek ang lola ng mga bata na mabuting natakbo.

Habang papatakas, sinabi umano ng suspek sa lolo ng mga bata na pinatay na niya ang tatlong biktima na nagtamo ng taga sa leeg at batok.

Tatlong motibo ang tinitingnan ng mga awtoridad sa nangyaring krimen. Kabilang dito ang paggamit ng suspek ng ilegal na droga, pagkalulong sa online gambling,  at selos.

Sinabi ni Noserale na itutuloy nila ang pagsasampa ng kaso laban kay Camporedondo kahit pa sabihin nito na mayroon siyang problema sa pag-iisip.

Nakaligtas naman ang isa pang anak ng biktima at suspek na edad pito na nasa eskuwelahan nang mangyari ang krimen.

Nasa pangangalaga siya ng City Social Welfare and Development Office para isailalim sa counseling, at iba pang paraan ng intervention dahil sa nangyari sa kaniyang pamilya. --FRJ, GMA Integrated News