Naputulan ng braso ang isang 25-anyos na siklista nang maipit siya sa pagitan ng dalawang bus na nagbanggaan sa Noveleta, Cavite.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkoles, sinabing lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na nawalan ng preno ang isang bus kaya bumangga sa isa pang bus.

Naipit sa pagitan ng dalawang bus ang biktima na papasok sana noon sa kaniyang trabaho.

Dalawang tricycle pa ang nabangga ng bus na nawalan ng preno.

Nahaharap ang driver ng bus na bumangga sa mga reklamong reckless imprudence resulting in serious physical injuries and multiple damage to properties.

Hindi nagbigay ng pahayag ang nakabanggang driver ng bus, ayon sa ulat.--FRJ, GMA Integrated News