Pito ang nasawi--kabilang ang mag-asawa at isa nilang anak--matapos salpukin ng isang truck na nawalan umano ng preno ang ilang sasakyan at isang bahay sa Makilala, Cotabato nitong Huwebes ng umaga.

Sa ulat ni Rgil Relator sa GMA Regional TV One Mindanao, sinabing may kargang 450 bags ng fertilizer ang 10-wheeler truck, at binabagtas ang pababang kalsada sa Sitio Flortam sa Barangay Batasan nang mangyari ang insidente.

“Pagdating niya diyan sa tinatawag namin na Sitio Flortam sa Barangay Batasan, along the highway, doon na nagsimula na nag-apply sila ng brake… kinausap ko man ‘yung pahinante, wala na, hindi na kumagat ang brake nila. So, medyo malakas [mabilis] na talaga ang takbo dahil pababa ‘yan,” ayon kay Incident Management Team Commander na si Renato Corre.

Kabilang sa mga nahagip ng truck ang isang multicab, isang motorsiklo, walo pang ibang sasakyan, at isang bahay na nasa gilid ng daan.

Nasawi sa sakuna ang mismong driver ng truck na kinilalang si Leopoldo Ibañez.

Nasawi rin ang mag-asawang Joel at Christina Pamplona, at limang taong gulang nilang anak na nakasakay naman sa motorsiklo.

Kinilala rin ang iba pang nasawi sina sina Jeralyn Bangcot, 41; Benjamin Ganub, 54; at Carlo De Jucos, 34.

Habang nagpapagaling naman sa ospital ang nasa anim nang nasugatan. Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa nangyari.-- FRJ, GMA Integrated News