Nasapul sa CCTV ang ginawang paghataw ng kahoy ng isang lalaki sa isang aso sa Laoag, Ilocos Norte.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Martes, mapanonood sa CCTV video ang lalaki na may dala-dalang kahoy.
Ilang saglit pa, nilapitan niya ang isang puting aso bago niya ito hinampas kaya napatakbo ang aso.
Inilahad ng gas attendant na pinagbibintangan ng lalaki ang aso na dumudumi sa kanilang bahay.
Ngunit kaniyang giit, hindi lumalabas sa gasolinahan ang aso.
Naligaw umano ang aso noong nakalipas na bagyo, kaya inampon na lang nila ito at pinakakain.
Nakasaad sa Animal Welfare Act of 1998 na ipinagbabawal ang anumang klase ng pagmamalupit sa mga hayop.
Posibleng magmulta at makulong ang sinumang mapatunayang lumalabag dito. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News