Binaril at napatay ng isang sundalo ang kaniyang asawa, biyenan at driver sa loob ng Camp Melchor F. Dela Cruz sa Gamu, Isabela nitong Huwebes. Ang hinihinala ng pulisya na ugat ng krimen, "third-party relationship."
Batay sa ulat mula sa Police Regional Office 2 sa Cagayan Valley, 32-anyos ang sundalong suspek, na kaagad na naaresto ng kaniyang mga kasamahang sundalo.
Ang mga biktima ay ang kaniyang asawa, biyenan na babae, at ang driver.
Sa imbestigasyon ng pulisya, dalawang sundalo ang kaagad na rumesponde nang makarinig ng mga putok ng baril nang may dumaan na sasakyan.
"While approaching the vehicle, they saw the suspect with a pistol in his hand. Immediately, they restrained the suspect, commanded him to lie prone, and asked for the assistance of the duty military police to handcuff the suspect," saad sa police report.
Sundalong namaril sa kanyang asawa at dalawang iba pa sa loob ng kampo sa Gamu, Isabela, naaresto na at inalis na rin sa pwesto. | via @glenjuego pic.twitter.com/FNz7SNiPGj
— DZBB Super Radyo (@dzbb) October 11, 2024
Ayon sa report, kaagad na nasawi ang driver, habang dead on arrival sa ospital ang biyenan. Pumanaw naman ang asawa ng sundalo habang nilalapatan ng lunas sa ospital
Nasa kustodiya na ng pulisya ng Gamu ang suspek, at mahaharap sa mga reklamong parricide at two counts of murder.
Nakiramay naman ang Philippine Army sa mga naulila ng mga biktima. Nangako silang makikipagtulungan sa imbestigasyon ng pulisya.
"We, as a professional military organization, will not condone any wrongdoings and crimes committed by any of its personnel. We stand by our commitment to being a professional and disciplined organization that continuously strives to maintain and uphold the highest standards of conduct and integrity," ayon sa pahayag.— mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ, GMA Integrated News