Naghain ng certificate of candidacy (COC) para tumakbong gobernador ng Basilan si outgoing House Deputy Minority Leader Mujiv Hataman para sa Eleksyon 2025. Makakalaban niya ang anak ng kaniyang kapatid na outgoing governor na si Jim Hataman-Salliman.
Kakandidato si Hataman sa ilalim ng Liberal Party (LP) at local party na Basilan Unity Party (BUP). Katambal niya bilang vice gubernatorial candidate si Alzad Sattar, na isang scholar at religious leader sa lalawigan.
Si Maluso Mayor Hanie Bud, naman ang inindorso ni Hataman para maging kapalit niya bilang kongresista ng Basilan.
Si Hataman ang dating regional governor ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), na pinalitan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Makakalaban ni Hataman sa posisyon bilang gobernador ang board member na si Atty. Jimael Jay Datumanong-Salliman, anak ng kasalukuyang gobernador na si Jim, kapatid ni Hataman na tatakbo sa ilalim ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) at United Bangsamoro Justice Party (UBJP).
Tatakbo naman si Jim bilang vice governor ng kaniyang anak na si Jimael. Habang ang vice governor na si Yusop Alano, ang kandidato nilang kongresista.
Ang isa pang anak ni Jim na si incumbent Isabela City Vice Mayor Kifli Hataman-Salliman, tatakbong alkalde sa lungsod, at makakalaban naman ang incumbent mayor na si Sitti Djalia Turabin-Hataman, na asawa ni Mujiv.
Sa pahayag sinabi ni Hataman na ipinapaubaya nila sa mga tao ang pasya kung sino sa kanila ang mga nais na maglingkod sa kanilang lalawigan.-- FRJ, GMA Integrated News