Naghain ng certificate of candidacy (COC) para tumakbong alkalde ng Davao City si dating pangulong Rodrigo Duterte. Ang anak niyang si Representative Paolo "Pulong" Duterte, muling tatakbong kongresista.
Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao, sinabing inihain ni Duterte ang kaniyang COC sa Commission on Elections office sa lungsod ng Davao.
Matagal na naging alkalde ng Davao City si Duterte bagong naging lider ng bansa nang manalong pangulo noong Eleksyon 2016.
Kandidato naman bilang vice mayor ni Duterte ang anak niya si Baste Duterte na kasalukuyang alkalde ng lungsod.
Naghain na rin ng COC para sa posisyon ng bise alkalde si Baste ngayong Lunes.
Samantala, naghain ng COC para muling tumakbong kongresista sa First District ng lungsod si Paolo.
Ang abogado ni Paolo na si Atty. Elijah Pepito ang naghain ng COCO para sa kongresista.
“I thank the Davaoeñoes for their support. I owe this to them and I will never forget it,” sabi nito sa pahayag.
Tatakbo si Paolo sa Eleksyon 2025 para sa kaniyang ikatlong termino bilang kongresista. — FRJ, GMA Integrated News