Isinailalim sa kustodiya ng local social welfare department ang isang 16-anyos na estudyante dahil sa pagbaril sa isang 19-anyos na mag-aaral na nangyari mismo sa paaralan sa Numancia, Aklan.
Sa ulat ni John Sala sa GMA Regional TV One Western Visayas nitong Miyerkoles, nagpapagaling sa ospital ang biktima dahil sa tinamang tama ng bala sa tiyan.
Ayon sa pulisya, nagkainitan ang mga grupo ng biktima at suspek na humantong sa pamamaril ng menor de edad gamit ang sumpak nitong Martes.
Sinabi ni Numancia Municipal Police Station deputy chief Police Lieutenant Rizal Padilla, na batay sa kuwento ng saksi, galing sa sling bag ng suspek ang sumpak.
Pero iginigiit umano ng suspek na galing naman sa grupo ng biktima ang naturang sumpak na kaniya lang daw naagaw.
Ayon sa school principal, may record na sa pulisya ang mga sangkot na estudyante.
Isasailalim sa counseling ang mga estudyante na nasangkot sa insidente. — FRJ, GMA Integrated News