Nasapul sa CCTV ang pamamaril ng isang lalaki sa mga parking attendant na nag-ugat umano sa paninita sa parking sa Antipolo City. Ang mag-amang parking attendant, patay, habang isa pa ang sugatan.
Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Martes, mapanonood sa CCTV ang pagbaba ng isang lalaking nakaitim na face mask mula sa e-trike at kinausap ang isang lalaking nakaputing t-shirt sa parking lot ng isang palengke sa F. Manalo Street, Barangay San Jose.
Tumalikod ang lalaking nakaputi at tila dinuro ang lalaking naka-face mask, na humantong sa kanilang sagutan. Ilang saglit pa, nanuntok na ang lalaking nakaputi.
Sumubok umawat ng ilan ngunit nagpatuloy ang rambulan ng dalawa hanggang sa bumagsak sila.
Isang oras makalipas ang away, nakita sa CCTV na isang lalaki ang pinagbabaril ng mga taong sakay ng nakaparadang tricycle pasado 7:30 p.m.
Dead on the spot ang 53-anyos na lalaki na isang parking attendant sa lugar.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya na tatlo ang biktima sa insidente na pawang mga parking attendant sa lugar.
"'Yung dalawa po roon ay magtatay. Yung tatay niya, doon dead on the spot. Tapos 'yung dalawa, naitakbo pa sa hospital. Samantalang 'yung anak... noong naisugod sa ospital, [idineklara] ring dead on arrival," sabi ni Police Lieutenant Augusto Jepa ng Antipolo Component City Police Station.
Narekober sa crime scene ang tatlong basyo ng bala.
"Itong parking attendant na isa na critical ngayon, may sinita. After ng kulang-kulang isang oras, may bumalik at doon na namaril 'yung tao na 'yun na bumalik," sabi ni Jepa.
Tumakas sakay ng motor ang salarin, at kinukumpirma pa kung iisa lang sila ng driver ng e-trike na nahuli cam na may kasuntukan.
Pasado 1:30 a.m. nang marekober ng mga awtoridad sa MLQ Market, mga 10 metro ang layo mula sa pinangyarihan ng insidente, ang e-trike na minamaneho ng lalaking sangkot sa away.
Inaalam pa ng mga awtoridad kung kanino nakarehistro ang naturang e-trike.
Sa panayam ng GMA Integrated News sa mga kaanak ng biktimang magtatay na tumangging humarap sa kamera, sinabi nilang palaisipan pa sa kanila ang pamamaril. Nananawagan sila ng hustisya para sa mag-ama. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News