Nasawi ang dalawang sakay ng tricycle matapos nitong makabanggaan ang dump truck sa Candaba-Baliwag Road sa Candaba, Pampanga kagabi. 

Kabilang sa nasawi ang 47-anyos na lalaking pasahero ng tricycle na naisugod pa sa ospital pero idineklarang dead on arrival.

Dead on the spot naman ang 5-anyos na batang babae.

Kritikal ang kondisyon sa ospital ng kanyang amang tricycle driver at 2-anyos na kapatid na lalaki.

Nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang ina.

“Rumesponde kami nadatnan namin doon yung isang bata nakatihaya na patay na. Yung driver nasa gilid. yung apat nakatihaya yung isa nakaipit sa motor sa sidecar yung isang pasahero. Pinaatras namin yung truck binunot namin isang pasyente,” ani Raul Mercardo, councilor ng Barangay Pulong Palazan. 

Labis na ikinagulat ng mga kaanak ang pangyayari. 

“Yung 2-year-old po tsaka yung po tricycle driver kritikal pa po sa ospital kasi kailangan pa nila maoperahan agad dahil daw po may dugo na nag-ano sa utak nila. Yung ka live-in po okay na po siya dyan sa ospital natahi na yung mga naging sugat pero hindi maigalaw ang braso,” kwento ng kaanak ng mga biktima na nakiusap na huwag siyang pangalanan.

Dahil sa aksidente, nayupi ang harapang bahagi at bubong ng tricycle. 

Nasa kustodiya ng Candaba Municipal Police Station ang truck at driver nito. 

Hindi muna nagpaunlak ng panayam ang pulisya pero nagbigay sila ng detalye.

Sa imbestigasyon, galing sa Porac, Pampanga ang truck na may kargang buhangin. 

Ang tricycle naman, galing sa Baliwag, Bulacan at papuntang Candaba, Pampanga. 

Binabagtas ng dalawang sasakyan ang magkabilang lane ng kalsada nang bigla umanong mag-u-turn ang tricycle, dahilan para makabanggaan nito ang truck. 

Nakaladkad pa ng ilang metro ang tricycle. 

Ayon sa truck driver, mabagal lang ang takbo niya. 

“Biglang lumiko yung tricycle kaya doon tumama nabangga ko siya. Mga ganyan na lang nung biglang lumusot wala na isang dipa yung layo. Humihingi ako ng dispensya sa kanila, aksidente kasi hindi ko rin kagustuhan yung ganon,” ani truck driver. 

Mahaharap ang truck driver sa reklamong reckless imprudence resulting in multiple homicide, multiple physical injuries and damage to properties. — BAP, GMA Integrated News