Nagmamadaling lumangoy at sumaklolo ang ilang kalalakihan at mga bangkero papunta sa lumubog na bangka para sagipin ang mahigit 20 batang mag-aaral na sakay nito na nangyari sa isang ilog sa Guagua, Pampanga.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, makikita na dali-daling tumalon sa ilog ang ilang kalalakihan patungo sa kinaroroonan ng mga bata na mga Grade 1 at Grade 4.
Nagdatingan din ang ilang bangkero na sakay ng kanilang mga bangka para kunin ang mga bata na nasa tubig.
Pauwi na umano ang mga bata sakay ng bangka noong Lunes dakong 11:30 am nang mangyari ang insidente.
Nawalan umano ng kontrol ang bangkero ng lumubog na bangka nang magkagulo ang mga bata hanggang sa tumagilid ang sasakyan at unti-unting lumubog.
Sa hiwalay na ulat ng GTV Balitanghali, sinabi ni Dudes Garcia Amisola, isa sa mga sumagip sa mga bata, nagpuntahan ang mga estudyante sa unahan ng bangka sa kagustuhang makauwi kaagad kaya hindi na nakontrol ng bangkero ang bangka.
"Palubog na yung bangka. Yung mga bata hindi naman makakalangoy maliliit lang," saad niya.
Sa kabutihang-palad, nasagip ang lahat ng mga bata.-- FRJ, GMA Integrated News