Ang nobyo ng pinaslang na 20-anyos na college student na inilibing sa buhangin sa dalampasigan sa Lingayen, Pangasinan ang tinukoy ng mga pulis na suspek sa krimen.
Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, sinabing sumentro ang imbestigasyon ng pulisya sa nobyo dahil sa nakitang palitan nila ng mensahe ng biktimang si Evalend Salting, na mula sa Anda, Pangasinan.
Nag-aaral bilang 3rd year BS Business Administration student si Salting sa Pangasinan State University-Lingayen campus.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Amor Mio Somine, Officer in Charge, Lingayen Police, nakita sa palitan ng mensahe ng biktima at nobyo na mayroong hindi pagkakaunawaan ang dalawa.
Isang kaibigan din umano ang nakasaksi sa krimen at itinuro nito ang suspek.
Gayunman, itinanggi umano ng suspek na may kinalaman siya sa nangyari sa biktima.
Huling nakitang buhay ang biktima noong gabi ng September 23, 2024 sa kuha ng closed circuit television (CCTV) footage nang umalis ito sa tinutuluyang apartment sa Lingayen.
Ayon kay Rea Bacarizas, caretaker sa apartment, nakikita nila na umaalis sa gabi ang biktima na sinusundo ng nobyo pero bumabalik din umano bago sumapit ang 10:00 p.m.
Hindi nakapasok sa klase ang biktima kinabukasan matapos na umalis ng apartment kaya idineklara siya ng mga kaanak na nawawala.
Hanggang sa aksidenteng madiskubre ng isang pamilya na naglalakad beach ang katawan nito na natatabunan ng buhangin.
Tiniyak naman ng kapulisan na ligtas ang pamamasyal sa naturang baybayin sa kabila ng nangyari.
Pinuri naman ni Pangasinan Governor Ramon Guico III ang pulisya sa ginawang imbestigasyon sa paglutas sa krimen.
Habang kinondena ng pamunuan ng Pangasinan State University Lingayaen campus ang ginawang pagpatay sa kanilang estudyanteng si Salting.--FRJ, GMA Integrated News