Nasawi ang isang barangay chairman matapos na pagbabarilin sa garahe ng kaniyang bahay sa San Nicolas, Ilocos Norte.

Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Francisco Bagay, 45-anyos.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nakaupo sa garahe ang biktima nang lapitan ng salarin na sakay ng motorsiklo at ilang ulit na pinagbabaril.

Pumanaw ang biktima habang ginagamot sa ospital, habang nakatakas naman ang salarin.

Tumanggi ang mga kaanak ng biktima na magbigay ng pahayag pero hustisya ang kanilang panawagan.

Pulitika at personal na away ang kabilang sa mga motibo na tinututukan ng pulisya sa krimen.

Bumuo na rin ang mga awtoridad ng special investigation task group para lutasin ang kaso.

Nag-alok naman ang alkalde ng bayan ng P300,000 bilang pabuya sa makapagbibigay ng impormasyon para mahuli ang salarin.--FRJ, GMA Integrated News