Tinangay ng holdaper ang cellphone ang isang lalaki na naglalaro umano ng mobile game sa gilid ng daan sa Cebu City.

Sa ulat ng GMA News “24 Oras” nitong Lunes, makikita ang 20-anyos na biktima sa gilid ng daan nang lapitan siya ng salarin na may suot na helmet at may hawak ng baril.

Wala nang nagawa ang biktima ng kunin ng salarin ang kaniyang cellphone.

Kaagad na umalis ang suspek sakay ng isang motorsiklo kasama ang kaniyang kasabwat na nakita sa CCTV footage.

Nasakote naman kinalaunan ang suspek sa iba pa nitong kinakaharap na kaso sa pagdadala ng baril sa ibang sitio.

Bukod sa baril, nakuha rin sa suspek ang tinatayang P60,000 halaga ng ilegal na droga.

Inamin nito ang ginawang mga krimen at sinabing may iba pa siyang mga kasabwat.—FRJ, GMA Integrated news