Patay na nang matagpuan sa lababo at natatakpan ng mga kawali at kaldero sa loob ng isang apartment ang isang babaeng 10-taong-gulang na naunang iniulat ng kaniyang pamilya na nawawala sa Atimonan, Quezon

Ayon sa ulat ng Atimonan Municipal Police Station, hatinggabi nitong Lunes nang magtungo sa kanilang himpilan ang mga kaanak ng biktima upang ipaalam na nawawala ang bata.

Kaagad na kumilos ang mga awtoridad at sinuri ang mga CCTV camera sa lugar kung saan huling nakita ang biktima.

Hanggang sa makita sa CCTV footage na kasama ng bata ang isang lalaki na nagpunta sa inuupahan nitong apartment.

Nang puntahan ng mga pulis ang apartment, doon na nakita ang bangkay ng bata sa lababo na tinakpan ng mga kawali at kaldero.

Nakita rin sa tabi ng bangkay ng bata ang isang electric chord na posibleng ginamit na pagsakal sa biktima.

Isinailalim sa awtopsiya ang bangkay ng bata para malaman ang sanhi ng kaniyang pagkamatay at kung ginahasa ito ng suspek.

Sa patuloy na imbestigasyon ng mga awtoridad, natukoy ang pagkakakilanlan ng suspek na tumakas patungong Batangas sakay ng motorsiklo.

Naaresto ang suspek sa Batangas na hindi pa nagbibigay ng pahayag.--Peewee C. Bacuño/FRJ, GMA Integrated News