Nasuspinde ang klase sa isang national high school sa Don Marcelino, Davao Occidental, matapos na bigla na lang "magwala" ang ilang mag-aaral, na hinihinalang dahil sa "pagsanib" ng masamang espiritu.
Sa ulat ni Isabel Mateo ng Super Radyo Davao nitong Martes, sinabing 24 na estudyante umano ang magkakasunod na nagwala nitong Martes.
Sinabi ng principal ng paaralan na isang estudyante muna ang dinala sa health center nitong Lunes matapos na mahirapan na huminga.
Nasundan ito ng panghihina rin ng iba pang mag-aaral sa Grade 7 hangggang Grade 10, na bigla rin nagsigawan at nagpumiglas.
Nasa maayos na umanong kalagayan ang 24 na estudyante pero nananatiling suspendido ang klase dahil na rin sa pangamba ng mga magulang ng mga mag-aaral.
Nakatakdang pabendisyunan sa pari ang paaralan sa Miyerkules.
Ayon sa ulat, bagaman hinihinala ng principal na maaaring may kinalaman ang masamang espiritu sa nangyari sa mga bata, wala naman itong basehan sa siyensiya.
Batay sa mga dating naiulat na katulad na insidente, sinasabi ng mga eksperto na "mass hysteria" ang tawag sa mga ganitong pangyayari.
Isa itong kondisyon na sabay-sabay nagwawala ang mga tao dulot ng problema o stress.-- FRJ, GMA Integrated News