Sa kulungan ang bagsak ng isang pasyente at kaniyang bantay matapos silang maaktuhang gumagamit ng ilegal na droga sa loob ng ospital sa Imus, Cavite.
Sa ulat ni Claire Lacanilao Dungca ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Martes, sinabing lumabas sa imbestigasyon na nagsasagawa ng routine check ang isang guwardiya nang mapansin niya ang lighter at weighing scale na dala ng pasyente.
Hindi muna sinita ng guwardiya ang pasyente, ngunit nagsumbong siya sa kaniyang superior.
Pagbalik nila sa kwarto ng pasyente, doon na naaktuhan ang paggamit ng droga ng pasyente at bantay nito.
Nasabat ang ilang pakete ng shabu umano, drug paraphernalia at weighing scale sa dalawang suspek, na umaming gumagamit sila ng ilegal na droga.
Nakatakda na sanang lumabas sa ospital ang pasyente nang mabisto sila.
Idiniretso sila sa estasyon ng pulisya, at mahaharap sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News